Katmon

Kaalaman tungkol sa Katmon bilang halamang gamot

Scientific name: Dillenia philippinensis Rolfe; Dillenia indica Blanco; Dillenia speciosa Blanco

Common name: Katmon (Tagalog); Philippine Catmon (Ingles)


Image Source: kalusugan.ph

Ang katmon ay isang mataas na puno na karaniwang tumutubo sa mga kagubatan sa kabundukan. Ito ay may makapal na dahon at tusok-tusok na gilid, at may maputing bulaklak na may malapad na talulot. Ang bunga ay kilala sa maasim nitong lasa. Ito ay tumutubo lamang sa kagubatan ng Pilipinas.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Katmon?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang katmon ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ayon sa mga pag-aaral, ang dahon ng katmon ay may taglay na betulnic acid at 3-oxoolean-12-en-30-oic acid
  • Mayroon din itong sulfated glucoside at seco-A-ring oleanane-type triterpenoid

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Bunga. Ang bunga ay karaniwang kinakatasan upang mainom at maipanggamot sa may karamdaman.
  • Dahon. Ang dahon naman ay karaniwang nilalaga upang mapainom din sa may sakit.
  • Balat ng kahoy. Madalas namang nilalaga ang balat ng kahoy kasama ng dahon upang maipanggamot.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Katmon?

  1. Ubo. Ang maasim na katas ng bunga ay maaaring ipainom sa taong dumadanas ng ubo. Maaari din itong ilaga para mas madaling mainom.
  2. Sugat. Ang dinikdik na dahon ng katmon ay maaaring ipantapal sa sugat upang matulungan ang mabilis na paghilom.
  3. Lagnat. Makatutulong din ang pag-inom sa katas ng bunga para mapababa naman ang mataas na lagnat. Maaari itong haluan ng asukal upang mas madaling mainom.
  4. Hirap sa pagdumi. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon at balat ng kahoy ay mabisang gamot para sa kondisyon ng hirap sa pagdumi.
  5. Iregular na tibok ng puso. Maaari ding gamitin ang maasim na katas ng bunga ng katmon para matulungan at maisaayos ang tibok ng puso.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.