Kawayan

Kaalaman tungkol sa Kawayan bilang halamang gamot

Scientific name: Bambusa spinosa Roxb.; Bambusa blumeana; Bambusa arundinacea F. Vill.

Common name: Kauayan, Kawayan, Kauayang-tinik (Tagalog); Bamboo, Giant thorny bamboo (Ingles)

Ang kawayan ay isang uri ng damo na may matigas na katawan at tumutubo nang mataas. Ang katawan ay nababalot ng maliliit na tinik, may dahoon na pahaba at patulis, at bihira kung mamulaklak. Karaniwan itong makikita sa mabababa at mataas na lugar sa Pilipinas. Ang mahaba at matibay na katawan ay ginagamit sa paggawa ng ilang mga kagamitan at materyales sa bahay.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kawayan?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kawayan ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang mga dahon ay may taglay na hydrocyanic at benzoic acids. Mayroon din itong chlorogenic acid, ferulic acid, coumeric acid, protocatechuic acid, vanillic acid at coffeic acid
  • Ang bagong usbong na kawayan ay makukuhanan naman ng mineral na calcium at iron, gayun din ang mga sustansyang protein, at carbohydrates.
  • Ang iba pang bahagi ng halaman ay maaaring makuhanan ng silica, choline, betain, cynogenetic glycosides, albuminoids, oxalic acid, reducing sugar, resins, waxes, benzoic acid, arginine, cysteine, histidine, niacin, riboflavin, thiamine, protein, at gluteline.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Labong. Ang bagong usbong na kawayan ay karaniwang ginugulay upang kainin. Maaari din itong dikdikin o ilaga upang ipampahid sa balat.
  • Ugat. Ang ugat ng kawayan ay maaari ding ilaga at gamitin sa panggagamit,
  • Dahon. Ang dahon ay karaniwang nilalaga at pinaiinom sa may sakit. Maaari din itong dikidikin at ipampahid sa balat o kaya naman ay direktang kainin.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Kawayan?

  1. Iregular na pagreregla. Makatutulong ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng kawayan sa kondisyon ng iregular na pagreregla.
  2. Rayuma. Ang nananakit na kasukasuan dahil sa rayuma ay maaaring lunasan gamit ang pagpapahid ng pinaglagaan ng labong ng kawayan.
  3. Bulate sa tiyan. Nakatutulong naman sa pagpupurga sa bulate sa tiyan ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng kawayan.
  4. Hirap sa pag-ihi. Ang pinaglagaan naman ng ugat ng kawayan ay mabisa para sa hirap sa pag-ihi.
  5. Buni. Ang dinikdik na ugat ng kawayan ay maaaring ipahid sa balat na apektado ng buni.
  6. Sugat. Dapat namang ipampahid sa sugat ang pinaglagaan ng labong ng kawayan upang mas mabilis maghilom. Maaari ding gamitin ang pinaglagaan ng dahon para sa bukas na sugat.
  7. Pagtatae. Maaari din inumin ang pinaglagaan ng dahon ng kawayan para naman sa kondisyon ng pagdudumi
  8. Pagdurugo ng gilagid. Dapat ipangmumog ang pinaglagaan ng ugat ng kaway upang matigil ang pagdurugo ng gilagid.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.