Kaalaman tungkol sa Kintsay bilang halamang gamot
Scientific name: Apium graveolens Linn.; Apium dulce Mill.
Common name: Kintsay, Quichay (Tagalog), Celery (Ingles)
Ang kintsay o celery ay isang karaniwang gulay na mabibili sa mga pamilihan. Ito ay maliit na halaman lamang na may malambot na mga sanga. Sa Pilipinas, dalawang uri ng halamang kinchai ang tumutubo: isang mas payat na mas makikita sa mga mabababang lugar (Chinese celery), at isa pa na may matabang tangkay na tumutubo naman sa matataas na lugar gaya ng Benguet (karaniwang Celery). Ito ay nagmula sa mga bansa sa Europa at Hilagang Asya.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kintsay?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kintsai ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang halaman ng kintsay ay may taglay na glucoside, apiin, mannite at inosite
- Ang buto naman nito ay mayaman sa flavonoids, anthrons, xanthons and tannins.
- Isang pag-aaral naman ang nagsasabi na ang halaman ay mayroong calories, vitamin K, molybdenum, folate, potassium, fiber, manganese, vitamin B2, pantothenic acid, copper, calcium, vitamin C, vitamin B6, magnesium, vitamin A
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Ang buong halaman ng celery ay maaaring kainin at gamitin sa panggagamot. Maaari itong katasan, ipantapal, ilaga at inumin nang parang tsaa.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kintsay?
1. Hirap sa pag-ihi. Mabisang pantulong sa pag-ihi ang pag-inom ng pinaglagaan ng dahon at mga tangkay ng kintsay.
2. Hika. Maaaring makatulong sa hirap sa pag-hinga na dulot ng hika ang paglanghap sa dinikdik na buto ng kintsay. Inilalagay sa tela ang mga dinurog na buto bago langhapin. Maaari din namang inumin pinaglagaan ng buto nito.
3. Altapresyon. Maaaring makababa din ng presyon ng tugo ang pagkain ng dahon at mga tangkay ng celery.
4. Rayuma. Ang regular na pagkain ng celery ay makatutulong na mabawasan ang pananakit ng mga kasukasuan dahil sa rayuma. May kaparehong epekto naman ang pag-inom sa pinaglagaan ng buto ng kintsay.
5. Gout. Ang regular na pagkain din ng kintsay ay makatutulong sa pagbawas ng epekto ng gout sa katawan.
6. Pagkasira ng mga cells dahil sa free radical. May malakas na antioxidant katas ng kintsay, kung kaya makatutulong ang pag-inom nito upang mabawasan ang pagkasira ng mga cells sa katawan, halimbawa na lang ay ang pagkukulubot ng mga balat.
7. Pagkasira ng atay. Nakatutulong sa paggaling ng nasisirang atay ang regular na pagkain ng gulay na kiintsay.
8. Kanser. Ilang pag-aaral din ang nagsasabi na may mabuting epekto sa taong may sakit na kanser ang pag-inom sa katas ng celery.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.