Kulantro (Cilantro)

Kaalaman tungkol sa Kulantro (Cilantro) bilang halamang gamot

Scientific name: Coriandrum sativum Linn.; Coriandrum diversifolium Gilib.; Coriandrum globosum Salisb.

Common name: Kulantro (Tagalog); Chinese Parsley, Cilantro, Coriander (Ingles)

Ang kulantro ay isa ring pampalasang dahon (herb) na karaniwang ginagamit sa mga lutuin. Ito ay may angking amoy na matapang na ginagamit na pampabango sa ilang mga putahe. Ang halaman nito ay tumutubo nang mababa lamang, may bulaklak din at may maliliit na buto. Karaniwan naman itong tumutubo sa mga matataas na lugar gaya ng Baguio at Benguet.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kulantro (Cilantro)?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kulantro ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang halaman ng kulantro ay makukuhanan ng langis na may taglay na coriandrol, d-ilinalool, licareol, d-d-pinene, p-cymol, trepinene, dipentene, geraniol, l-borneol, B-phellandrene, terpinolene, n-decylaldehyde, acetic acid, at decyl acid.
  • Ang bunga ng kulantro ay mayroon ding langis at may taglay pentosan, furfurol, pectin, vitamin C, fat, protina, starch, at potassium maleate at vitamin C3.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Buto. Kalimitang ginagamit ang buto ng kulantro sa panggamot sa pamamagitan ng paglalaga nito, o kaya’y pagdidikdik at pagkain sa
  • Dahon. Ginagamit naman ang dahon sa paggagamot sa pamamagitan ng paglalaga nito at pag-inom sa pinaglagaan.
  • Langis. Ang langis na nakukuha mula sa halaman ay maaari din gamitin sa paggagamot ng ilang kondisyon sa katawan.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kulantro (Cilantro)?

1. Pananakit ng sikmura dahil sa dyspepsia. Makatutulong ang pag-inom sa pinaglagaan ng bunga at mga buto ng kulantro para sa kondisyon ng dyspepsia o ang pananakit ng sikmura dahil hindi matunawan.

2. Pagkahilo. Pinaaamoy sa taong nahihilo ang dinikdik na buto ng kulantro.

3. Kabag. Ang pagkakaroon naman ng hangin sa sikmura ay maaaring matulungan ng pagpapahid ng langis ng kulantro sa nananakit na tiyan.

4. Rayuma. Pinapahiran din ng langis ng kulantro ang mga kasukasuan na nananakit dahil sa rayuma upang maibsan ang nararamdaman. Makatutulong din ang pagpapahid ng dinurog na buto sa bahaging nananakit.

5. Mabahong hininga. Maaaring nguyain ang buto ng kulantro upang mawala ang mabahong amoy ng hininga.

6. Pananakit ng ulo. Ipinapahid naman sa paligid ng nananakit na ulo ang dinikdik na buto ng kulantro.

7. Pamumula ng balat dahil sa erythema. Ang sariwang katas ng halaman ay iniinom para sa kondisyon ng erythema.

8. Diabetes. Maaaring makatulong din ang regular na pag-inom ng pinaglagaan ng buto ng kulantro sa pagmementena ng asukal sa dugo sa mgataong may sakit na diabetes.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.