Kaalaman tungkol sa Kundol bilang halamang gamot
Scientific name: Benincasa hispida (Thunb.) Cogn.; Benincasa cerifera Savi ; Curcubita hispidaThunb.
Common name: Kundol (Tagalog); Winter Melon, White gourd melon (Ingler)
Ang kundol ay isang prutas na may katanginan ng parang upo at melon. Ang bunga nito ay nagmumula sa halamang gumagapang. Bahagyang mabalahibo ang halaman at maaaring tumubo ng hanggang 8 metro. Karaniwan itong pananim sa mga taniman sa ilang lalawigan ng Pilipinas para sa bunga nito na maaaring kainin. Karaniwan din ito sa ilang mga karatig na bansa gaya ng Japan, Malaysia at Polynesia.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kundol?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kundol ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang bunga nito ay may taglay na amino acids, mucins, mineral salts, vitamins B at C, fixed oil, starch, cucurbitine, myosin at vitellin, at sugar
- May mataas ding lebel ng triterpenoids, flavonoids, glycosides, saccharides, carotenes, vitamins, sitosterin, at uronic acid sa bunga nito.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Bunga. Karaniwang ginagamit ang bunga sa paggagamot kabilang buto at balat nito. Maaari itong kainin lamang o kaya ay katasan upang mainom.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kundol?
1. Bulate sa sikmura. Ang pagkain sa buto nito na kahalintulad ng sa buto ng pakwan ay mabisa para sa pagtatanggal ng bulate sa sikmura.
2. Hirap sa pag-ihi. Mabisang maiibsan ang kondisyon ng hirap sa pag-ihi sa tulong ng pagkain sa bunga ng kundol.
3. Ubo. Ginagamit naman sa kondisyon ng pag-ubo ang pag-inom sa pinaglagaan ng mga buto ng kundol.
4. Pagkakalason mula sa mga halaman. Ang aksidenteng pagkakakain sa mga halaman o gulay na may lason ay maaaring matulungan ng kundol. Dapat lamang inumin ang katas ng prutas nito.
5. Pagkasira ng kutis. Ang pagkasira ng kutis ng balat ay maaaring matulungan ng pagtatapal sa balat ng hiniwa-hiwang kundol. Maaari din kumain ng buto upang gumanda ang kutis.
6. Diabetes. Mabisa ding panggamot sa kondisyon ng diabetes ang pag-inom sa katas ng kundol.
7. Epilepsy. Pinapainom naman sa mga taong may sakit na epilepsy ang katas ng sariwang bunga ng kundol.
8. Pagdurugo sa loob ng katawan (internal hemorrhage). Maaari ding makatulong sa pagdurugo sa loob ng katawan ang pag-inom sa katas ng bunga, o ang pagkain mismo sa bunga nito.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.