Labanos

Kaalaman tungkol sa Labanos bilang halamang gamot

Scientific name: Raphanus sativus Linn.

Common name: Labanos, Rabanos (Tagalog); Radish (Ingles)


Image Source: kalusugan.ph
Ang labanos, tulad ng karot, ay isang gulay na bungang ugat na kilalang-kilala ng mga Pilipino. Ito ay pahaba, kulay puti at may matapang na amoy. Ang halaman ay mababa lang at ang mga dahon ay bahagyang mabalahibo. Karaniwan itong makikita sa mga taniman sa buong bansa.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Labanos?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang labanos ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang halaman nito ay makukuhanan ng triterpenes, alkaloids, flavonoids, tannins, saponin at coumarins.
  • May taglay na raphanol, rettichol, volatile oil, methylmercaptan, vitamins B1, sinapin at oxydase ang bungang ugat nito.
  • Ang buto naman ay mayroong fatty oil, ash, volatile oil, sulphuric acid, at erucic acid

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ang buong halaman ng labanos ay maaaring gamitin sa panggagamot.
  • Dahon. Ginagamit ang dahon sa pamamagitan ng paglalaga nito at pag-inom sa pinaglagaan. Maaari din itong katasan upang magamit.
  • Bungang-ugat. Ang bungang-ugat na karaniwang ginagamit bilang gulay ay maaari ding gamitin sa panggagamot. Ito’y maaaring katasan, dikdikin at ipangtapal, o kaya ay pakuluan upang mainom ang pinaglagaan.
  • Buto. Ang mga buto naman na nakukuha sa bunga nito na mala-sitaw ay ginagamit din sa panggagamot.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Labanos?

1. Pagtatae. Kadalasang pinaiinom sa taong dumadanas ng pagtatae ang pinaglagaan ng sariwang dahon ng labanos. Maaari ding makatulong ang pag-inom sa katas ng dahon.

2. Hirap sa pag-ihi. Maaaring matulungan din ng pag-inom ng katas ng sariwang dahon ng labanos ang hirap sa pag-ihi.

3. Pananakit ng sikmura. Makatutulong naman ang pagkain sa bungang-ugat ng labanos sa pagkakaranas ng pananakit ng sikmura.

4. Eskurbuto (scurvy). Itinuturing na mabisang panggamot sa kondisyon ng eskurbuto o scurvy ang pagkain sa sariwang bungang-ugat ng labanos.

5. Paso. Ginagamit din na pantapal sa bahagi ng katawan na napaso ang dinikdik na na bungang-ugat ng labanos.

6. Lagnat. Matutulungan naman na pababain ang lagnat kung makakainom ng pinaglagaan ng bungang-ugat ng labanos.

7. Mabahong paa. Ang pamamaho ng paa ay maaaring pahiran ng dinikdik na bungang-ugat ng labanos.

8. Ubo. Makagagamot naman sa pag-uubo ang pag-inom sa pinaglagaan ng bulaklak ng labanos.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.