Kaalaman tungkol sa Langka bilang halamang gamot
Scientific name: Artocarpus heterophyllus Lam.; Artocarpus philippensis Lam.; Artocarpus maxima Blanco;
Common name: Langka, Nangka (Tagalog); Jack Fruit (Ingles)
Ang langka ay isang halamang tropiko na karaniwan sa mga bansa ng Timog Silangang Asya kung saan kabilang ang Pilipinas. Ito ay may mataas na puno na may bilogan at makinis na dahon. Kilala naman ang bunga nito na may berde at tusok-tusok na balat na may madilaw na laman na paborito ng marami. Ang mga buto ay maaari ding kainin kung ilalaga o tutustahin.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Langka?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang langka ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang langka ay may taglay na morin at cyanomaclurin.
- Ang halaman ay mayroong alkaloids, tannins, phenolic compounds, flavonoids, at saponins.
- Mayroon namang saccharose, fructose, glucose, fixed oil, essential oil, other extracts, protein, cellulose.
- May mataas din itong lebel ng Vitamin C, at provitamin A carotenoid
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ng langka ay maaaring gamitin sa panggagamot sa pamamagitan paggamit sa abo nito matapos sunugin. Maaari din itong ilaga at inumin.
- Ugat. Karaniwan namang inilalaga ang ugat at pinaiinom ang pinaglagaan sa may sakit.
- Bunga. Maaaring kainin ang matamis nitong bunga kung hinog o kaya’y gulayin kung hilaw.
- Dagta. Ang malapot at maputing dagta ng halaman na makukuha sa mga sanga ay maaari ding gamitin sa panggagamot na kadalsang pinapahid sa apektadong bahagi ng katawan.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Langka?
1. Pagtatae. Pinaiinom ng pinaglagaan ng tinadtad na ugat ng langka ang taong dumadanas ng pagdudumi.
2. Sugat. Ang abo mula sa sinunog na dahon ng langka ay hinahalo sa langis ng niyog at ginagamit bilang ointment para sa mga sugat na naimpeksyon.
3. Lagnat. Pinaiinom din ng pinaglagaan ng ugat ng langka ang taong may mataas na lagnat.
4. Kagat ng ahas. Makatutulong naman ang dagta ng langka sa sugat na dulot ng kagat ng ahas.
5. Pagnanana. Ang mga sugat na may nana ay matutulungan din ng pagpapahid ng dagta ng langka. Minsan pa, inihahalo pa ang dagta sa suka upang mas maging epektibo.
6. Hirap sa pagdumi. Ang pagkain naman sa bunga ng langka ay mabisang gamot para sa hirap sa pagdumi.
7. Hika. Nagagamit din ang pinaglagaan ng ugat ng langka sa pagpapahupa ng mga sintomas na dulot ng hika.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.