Kaalaman tungkol sa Letsugas bilang halamang gamot
Scientific name: Lactuca sativa Linn.; Lactuca scariola Linn.
Common name: Letsugas (Tagalog); Lettuce (Ingles)
Ang letsugas ay isang kilalang gulay na madahon at karaniwang sangkap sa mga salad at palaman sa tinapay. Ang halaman ay mababa lamang na karaniwang tumutubo sa matataas na lugar gaya ng Benguet. Ang ulo ng letsugas ang siyang inaani at kinakain. May maliliit din itong bulaklak na kulay dilaw, at mga buto na maaaring magamit sa panggagamit.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Letsugas?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang letsugas ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Taglay ng mga dahon ang lactucin,mannite, mallic acid, asparagin, at oxalic acid.
- Ang ginugulay na bahagi ay mayaman sa Vitamins A at C; gayun din sa vitamin B, carotene, at vitamin E
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ay karaniwang kinakatasan upang mainom o kaya ay dinidikdik upang ipantapal sa ilang kondisyon sa katawan.
- Buto. Ang maliliit na buto ay maaaring ilaga, ihalo sa inumin o kaya ay durugin upang magamit sa panggagamot.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Letsugas?
- Ubo. Ang katas ng halaman ay maaring gamitin na panglunas sa ubo. Ito ay iniinom lamang.
- Hika. Ang pag-inom sa katas ng letsugas ay makatutulong na mapahupa ang sintomas na nararanasan dahil sa hika.
- Hirap makatulog. Pinaniniwalaang makatutulong ang pagkain at pag-inom sa katas ng gulay na letsugas sa mas malalim na tulog sa gabi. Mabisa din para sa kondisyon ng insomnia ang pag-inom sa pinaglagaan ng mga buto ng letsugas.
- Sugat. Ang sugat na hirap gumaling ay maaaring tapalan ng dinikdik na dahon ng letsugas upang matulungan ang mabilis na paghilom.
- Kawalan ng gana sa pagkain. Makatutulong din na pabalikin ang gana sa pagkain kung iinumin ang katas ng dahon ng letsugas.
- Bronchitis. Ang hirap sa paghinga dahil sa kondisyon ng bronchitis ay maaaring matulungan ng pag-inom sa pinaglagaan ng buto ng letsugas.
- Lagnat. Ang mataas na lagnat ay matutulungang mapababa ng pag-inom sa tubig na hinaluan ng dinurog na buto ng letsugas.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.