Losartan

Kaalaman sa Gamot na Losartan

Generic name: losartan, losartan potassium

Brand name: Angisartan, Cozaar, Ecozar, Getzar, Hartzar, Neosartan, Prozar, Wilopres, Zarten

Kailangan ba ng reseta?: Oo

Para saan ang gamot na ito?

Ang losartan ay inirereseta para makontrol ang altapresyon at mga sintomas nito. Maaari itong isabay sa iba pang gamot na mabisa para sa pagtaas ng presyon ng dugo. Minsan pa inirereseta rin ito sa mga kondisyon na konektado sa sakit sa puso at problema sa bato ng mga taong may diabetes.

Anu-ano ang preparasyon ng gamot na Losartan?

Ang gamot na ito ay nakahanda lamang bilang tableta.

Paano ito ginagamit?

Dahil ang paggamit ng gamot na ito ay naiiba-iba depende kung ano at kung gaano kalala ang kondisyon na nararanasan, gamitin lamang ang gamot na ito ayon sa inireseta ng doktor o sa direksyon na nakasulat sa pakete ng gamot.

  • Ang losartan ay maaring inumin ng may laman ang tiyan o kaya’y walang laman.
  • Ang tableta ay lunukin ng buo, huwag dudurugin o hahatiin.
  • Kung sakaling makalimutan ang pag-inom, agad na inumin ang gamot sa oras na maalala. Ngunit kung malapit na sa oras ng kasunod na pag-inom, ituloy na lamang ang nakatakdang pag-inom at huwag nang balikan ang nakaligtaang pag-inom.
  • Hanggat hindi pinapayo ng doktor, huwag doblehin ang iniinom na gamot o ibahin ang oras ng pag-inom nito.
  • Itago sa lugar na may katamtamang temperatura at iwasang mabilad sa araw o mabasa. Ilayo rin ito sa maabot ng mga bata at agad ding itapon ang napasong gamot.

Ano ang mga dapat tandaan sa pag-inom ng Losartan?

Bago resetahan ng gamot, importanteng ipaalam kaagad sa doktor kung ikaw ay may kondisyon gaya ng sumusunod:

  • allergy sa gamot na losartan
  • buntis, nagpaplano na mag-buntis, o nagpapasuso
  • problema sa bato at atay
  • kaso ng dehydration sa katawan
  • kakulangan ng electrolytes sa katawan
  • iba pang karamdaman sa puso

Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng losartan sa mga kababaihang nagbubuntis. Ito ay sapagkat maaaring magdulot ng seryosong kondisyon sa sanggol o kaya’y pagkalaglag ng bata. Makabubuting kumonsulta muna sa doktor tungkol sa pagbubuntis bago ang pag-inom ng gamot na ito.

Ipinagbabawal ang pag-inom ng alak at gamot para sa diabetes na may sangkap na aliskiren. Ang pag-inom ng mga ito kasabay ng gamot na losartan ay makasasama sa kalusugan.

Ang pag-inom ng gamot na ito ay maaring umabot ng 3 hanggang 6 na linggo bago bumalik sa normal ang presyon ng dugo. Kung may kondisyon ng madalas na altapresyon, makabubuting ang patuloy na pag-inom nito kahit pa bumuti na ang pakiramdam sapagkat hindi sa lahat ng oras ay mararamdaman ang sintomas ng sakit na altapresyon.

Gamitin lamang ang losartan nang naaayon sa inireseta ng doktor, o nakasunod sa direksyon na nakasulat sa pakete ng gamot. Mahalaga din na sundin ang nakatakdang pagbisita sa doktor upang mabantayan progreso ng paggagamot sa sakit, malaman kung may pagbabago sa dami ng gamot na iinumin, o matignan kung may karagdagan pang pagsusuri na gagawin habang ginagamot.

Puwede ba itong ibigay sa mga bata?

Dahil ang kondisyon ng pagtaas ng presyon ay bibihirang maranasan ng mga kabataan, bibihira rin ang gamutan sa mga kabataan gamit ang losartan. Huwag basta-basta magbibigay ng gamot ng hindi kumukunsulta sa doktor o pediatrician.

May side effects ba ang gamot na ito?

Bagaman ang side effects mula sa pag-inom ng gamot na losartan ay bibihira, lalo na kung susunding mabuti ang direksyon ng pag-inom nito, hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagkakaranas ng mga side effect. Agad na itigil ang pag-inom ng gamot at magpatingin sa doktor kung maranasan ang mga karaniwang side effects na gaya ng sumusunod:

  • pagkakaroon ng mga sintomas ng sipon at trangkaso
  • dry cough
  • pamumulikat ng mga kalamnan
  • pananakit ng hita at likod
  • pananakit ng sikmura at pagtatae
  • pagkahilo at pananakit ng ulo
  • pagkapagod
  • hirap sa pagtulog

Bukod dito, maaari ding makaranas ng mga mas seryosong epekto sa katawan lalo na kung ma-overdose sa gamot. Narito ang ilan:

  • pagpapantal, hirap sa pag-hinga, at pamamaga ng katawan na sintomas ng allergy
  • panghihina na parang mahihimatay
  • hirap sa pag-ihi
  • pananakit ng ulo, pagkahilo at may kasabay na pagsusuka at pagliliyo.
  • pananakit ng dibdib
  • pagkaantok, pagkalito at kawalan ng gana sa pagkain

Agad ding magtungo sa pagamutan sa oras na maranasan ang mga ito.

Ano ang maaaring mangyari kung mapasobra ang pag-inom ng Losartan?

Kung sakaling mapasobra ang pag-inom ng gamot, maaring maranasan ang mga side effects na naunang nabanggit. Agad na pumunta sa pagamutan sa oras na mapasobra ang pag-inom ng gamot.