Kaalaman tungkol sa Lubi-Lubi bilang halamang gamot
Scientific name: Solanum nigrum L. var. vulgare L.; Solanum rubrum Nees
Common name: Lubi-Lubi (Tagalog); Deadly nightshade, Black nightshade (Ingles)
Ang lubi-lubi ay isang maliit lang na halaman na may mga berdeng sanga, at pangkaraniwang dahon na patulis sa dulo. Ang mga bulaklak ay kulay puti at ang bunga ay maliliit na bilog at kulay itim o lila. Karaniwan itong tumutubo saanmang lugar sa Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Lubi-Lubi?
Ang iba’t ibang bahagi ng lubi-lubi ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang buong halaman ay makukuhanan ng substansyang solanine at tropeine. Makukuhanan din ito ng alkaloids, saponins, tannins, flavonoids, at proteins.
- Ang bunga ay mayaman naman sa calcium, iron at phosphorus.
- Ang dahon ay may taglay naman na coumaric acid, quercitin, catechol, caffeic acid, gallic acid, at protocatechnic acid
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Ang ilang bahagi ng halaman ay maaaring magamit sa panggagamot:
- Bunga. Ang bunga ay karaniwang kinakain lamang upang makagamot. Ang hilaw na bunga ay maaaring ipantapal sa balat.
- Dahon. Ang dahon naman ay maaaring ilaga upang inumin, at dikdikin upang ipantapal sa ilang kondisyon.
- Ugat. Maaari namang dikdikin at ipantapal ang ugat o kaya naman ilaga upang mainom.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Lubi-Lubi?
- Diabetes. Ang pagkain sa hinog na bunga ng lubi-lubi ay mabisa para sa sakit na diabetes.
- Sore eyes. Ang pinaglagaan ng dahon at mga sanga ay maaaring ipampatak sa mata upang guminahawa ang sore eyes.
- Pigsa. Ang dinikdik na ugat ay maaaring ipantapal sa balat na may pigsa.
- Sugat. Makatutulong din ang pagtatapal ng dinikdik na ugat sa sugat para mapabilis ang paghilom nito.
- Buni. Maaaring ipantapal naman ang dinikdik na hilaw na bunga ng lubi-lubi sa balat na apektado ng buni.
- Rayuma. Maaari din ipantapal sa mga nananakit na kasukasuan ang dinikdik na dahon ng rayuma.
- Lagnat. Mahusay na pampababa ng mataas na lagnat ang pag-inom sa pinaglagaan ng halaman.
- Tulo. Mabisa rin para sa tulo o gonorrhea ang pag-inom sa katas ng dahon.
- Ubo. Makatutulong din sa ubo ang pag-inom sa pinaglagaan ng bunga ng halaman.
- Paso. Maiibsan ang kondisyon paso sa balat sa tulong ng pagtatapal ng dahon sa apektadong balat.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.