Kaalaman tungkol sa Lubigan bilang halamang gamot
Scientific name: Acorus calamus Linn.; Acorus asiaticus Nakai; Acorus gramineus
Common name: Lubigan (Tagalog); Calamus, Sweet root (Ingles)
Ang lubigan ay isang maliit lang na halaman na tumutubo na parang damo. Ang mga dahon ay tumutubo ng patayo at pahaba, habang ang mga ugat ay palapad ay hibla-hibla. May bulaklak din na kumpol-kumpol at maliliit lang. Karaniwan itong nakikitang nakatanim sa mga tabing ilog at mapuputik na lugar.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Lubigan?
Ang iba’t ibang bahagi ng lubigan ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang ugat ay makukuhanan ng mga mabangong langis, sugars, choline, at mucilage. Taglay din ng ugat ang mga substansyang asaron, parasaron, asarylaldehyde, sesquiterpenes, acorin, at eugenol.
- Ang langis na makukuha sa halaman ay may taglay ding palmitic at heptoic acids, ester of palmitic na may kasama pang pinene, camphene, asaraldehyde, eugenol, asarone, calamene, calamerol at calameon
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Ugat. Ang hibla-hibla nitong ugat ay karaniwang nilalaga upang mainom, o pinatutuyo at kinakain.
- Dahon. Ang dahon naman, lalo na yung mga bagong usbong, ay maaaring kainin bilang gulay. Maaari din itong dikdikin, ilaga, o kuhanan ng katas upang magamit sa panggagamot.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Lubigan?
- Kawalan ng gana sa pagkain. Ang murang dahon ng halaman ay mabisang pampagana lalo na kung walang gana sa pagkain.
- Rayuma. Ang langis makukuha mula sa ugat ng halaman ay mabisang panlunas sa pananakit ng kasukasuan dahil sa rayuma. Mabisa ring pampahid para sa kondisyong ito ang pinaglagaan ng ugat na may kahalong langis ng niyog.
- Impatso. Ang pagkain sa murang dahon ng lubigan ay makatutulong para sa kondisyon ng impatso.
- Pananakit ng ngipin. Makatutulong naman para sa pananakit ng ngipin kung ngunguyain ang ugat ng halaman.
- Dyspepsia. Ang pagkain sa pinatuyong ugat ng ng lubigan makatutulong din na malunasan ang dyspepsia.
- Hika. Ang sintomas ng hika may matutulungan din kung ihahalo ang langis ng lubigan sa inumin o pagkain. Ang pag-inom din sa pinaglagaan ng ugat at dahon ay mabisa din para sa kondisyong ito.
- Galis. Ang dinikdik na dahon ng halaman ay maaaring ipantapal sa balat na apektado ng galis.
- Pagpurol ng memorya. Pinaniniwalaan din na ang madalas na pag-inom ng pinaglagaan ng ugat at dahon ay makatutulong na patalasin ang memorya.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.