Luya-luyahan

Kaalaman tungkol sa Luya-luyahan bilang halamang gamot

Scientific name: Amomum latifolium Lam.; Amomum latifoium Salisb.; Amomum zedoaria Christm.; Curcuma zedoaria (Christm.) Roscoe

Common name:  Luya-luyahan, Barak (Tagalog); Long zedoary, Zedoary root (Ingles)

Ang luya-luyahan, tulad ng karaniwang luya, ay isang maliit lang na halaman na may malalambot na sanga at ugat na maaaring anihin at ipang-sahog sa mga lutuin. Ang dahon ay pahaba at ang mga bulaklak ay tumutubo nang nakakumpol sa tuktok. Madali itong makitang nakatanim sa maraming lugar sa Pilipinas partikular sa mabababang lugar.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Luya-luyahan?

Ang iba’t ibang bahagi ng luya-luyahan ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Taglay ng halaman ang terpenoids, alkaloids, saponins, flavanoids, glycosides, carbohydrates, phenolics, tannins, at phytosterols
  • Ang langis na makukuha din sa halaman ay mayroong cineol, camphene, zingiberene, borneol, camphor, curcumin, zedoarin. Mayroon din itong gum, starch, at resin.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ugat. Ang ugat ng luya-luyahan ay karaniwang kinakatasan, o pinakukuluan upang magamit sa panggagamot. Minsan ay pinatutuyo muna ang ugat bago ilaga at ipainom sa may sakit.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Luya-luyahan?

  1. Dermatitis. Ang karamdaman sa balat na dermatitis ay maaaring masolusyonan sa tulong ng pagpapahid ng katas ng luya-luyahan sa apektadong bahagi ng balat.
  2. Pananakit ng sikmura. Ang hiniwang ugat ng luya-luyahan ay dapat ipantapal sa tiyan na nakakaranas ng pananakit.
  3. Sugat. Upang matulungan ang mabilis na paghilom ng sugat, pinapahiran ng abo ng sinunog na ugat ng luya-luyahan sa apektadong bahagi ng katawan.
  4. Rayuma. Mabisa rin para sa pananakit ng rayuma ang pagpapahid ng katas ng ugat sa nanakit na bahagi ng katawan.
  5. Pilay. Ipinangtatapal naman ang dinikdik na ugat ng luyaluyahan sa bahagi ng katawan na namamaga dahil sa naipit na ugat.
  6. Kabag. Sinasabi naman na mabisang pang-alis sa kabag ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng luya-luyahan.
  7. Pagtatae. Maaari ding gamitin bilang panlunas sa pagtatae na nararanasan ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.