Kaalaman tungkol sa Mabolo bilang halamang gamot
Scientific name: Diospyros blancoi A. DC.; Diospyros discolor Wild.; Diospyros malacapalA.DC.
Common name: Mabolo (Tagalog); Velvet Apple (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang mabolo ay isang kilalang halaman na karaniwang nakikita sa Pilipinas. Ang puno nito ay may katamtamang taas, may makapal at makinis na dahon, at bulaklak na kulay puti. Ang bunga nito na maaaring kainin ay bilugan ang hugis at nababalot ng maliliit na buhok. Karaniwan itong nakikita sa mabababang lugar at mga kagubatan.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Mabolo?
Ang iba’t ibang bahagi ng mabolo ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang dahon ay makukuhanan ng alkaloids, reducing sugar, gum, flavonoids, at tannins
- Ang bunga ay mayaman sa tannin
- Makukuhanan din ng rosmarinic acid, luteolin at hispidulin
- Ang bunga ay may taglay din na mahahalagang sustansya kabilang ang carbohydrates, fiber, fat, calcium, protein, phosphorus, iron, vitamin A, thiamine, riboflavin, niacin, at vitamin C
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Balat ng kahoy. Ang balat ng kahoy mula sa puno ng mabolo ay mabisang panggamot ilang uri ng sakit. Karaniwan itong nilalaga at iniinom.
- Dahon. Ang dahon ay karaniwan ding nilalaga at hinahalo pa sa balat ng kahoy upang ipanggamot.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Mabolo?
Image Source: farm6.staticflickr.com
- Pangangati ng balat. Maaaring ipanghugas sa apektadong balat ang pinaglagaan ng balat ng kahoy at dahon ng mabolo upang maibsan ang pangangati.
- Ubo. Mabisang panlunas sa ubo ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng mabolo.
- Lagnat. Makatutulong naman na pababain ang lagnat kung iinom din ng pinaglagaan ng balat ng kahoy.
- Sugat. Maaaring ipanghugas naman sa sugat ang katas ng bunga para madali itong maghilom.
- Pagtatae. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ay mabisa ring panlunas sa kondisyon ng pagtatae.
- Hika. Pinaniniwalaan din na makatutulong para sa sintomas ng hika ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng mabolo.
- Free radical. Taglay ng pinaglagaan ng dahon at balat ng kahoy ang malalakas na uri ng antioxidant na kayang labanan ang free radical sa katawan.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.