Mais

Kaalaman tungkol sa Mais bilang halamang gamot

Scientific name: Zea mays L.

Common name: Mais (Tagalog); Corn (Ingles)

Ang mais ay kilalang pananim sa mga bukirin sa Pilipininas na inaani para sa bunga nito na butil. Ang halamang mais ay isang uri ng damo na may taas na 1.5 hanggang 2 metro. Ang bunga ay may maputi o madilaw na mga butil na karaniwang ginagamit sa ilang mga produkto at pagkain. Ang mais ay orihinal na nagmula sa mga bansa sa Amerika.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Mais?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang mais ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Buhok. Ang buhok na nakukuha sa bunga ng mais ay maaaring gamitin sa panggagamot. Kalimitan itong pinakukuluan at at iniinom na parang tsaa.
  • Butil ng mais. Ang mga butil ng mais ay maaaring kainin, o ilaga at inumin ang pinaglagaan na parang tsaa. Maaari ding dikdikin upang magamit na pantapal.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Mais?

1. Hirap sa pag-ihi. Makatutulong sa pagpapabuti ng pag-ihi ang pag-inom sa pinaglagaan ng buhok ng mais o ang mga butil nito.

2. Pananakit ng sikmura. Ang pinaglagaan din ng mga butil ng mais ay mabisa para sa nararamdamang pananakit ng sikmura.

3. Urinary Tract Infection o UTI. Pinaiinom sa taong may UTI ang tubig na pinaglagaan ng mismo ng mais.

4. Rayuma. Makatutulong naman ang pagtatapal ng dinikdik na mga butil ng mais sa bahagi ng kasukasuan na nananakit dahil sa rayuma.

5. Pagsusuka. Para naman sa kondisyon ng pagsusuka, maaaring inumin bilang tsaa ang pinaglagaan ng tinustang mais.

6. Bato sa bato (Kidney stones). Iniinom naman ang pinaglagaan ng buhok ng mais para sa pagkakaroon ng mga bato sa bato.

7. Sugat. Ang dinikdik buhok ng mais ay maaari din gamitin sa para mapabilis ang paghilom ng mga sugat.

8. Paninilaw ng balat (jaundice). Ang paninilaw ng mga balat na may kaugnayan sa karamdaman sa atay ay maaaring matulungan ng pag-inom sa pinaglagaan ng buhok ng mais.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.