Kaalaman tungkol sa Malatungaw bilang halamang gamot
Scientific name: Melastoma malabathricum Linn.; Melastoma heterostegium Naud.; Melastoma congestum Elm.
Common name: Malatungaw (Tagalog); Singapore rhododendron (Ingles)
Ang malatungaw ay isang halaman na may katamtamang laki na maaaring tumubo sa taas na 2 metro. Ang mga dahon ay bahagyang malapad na may patalim na dulo. bahagya rin itong nababalot ng maliliit na mga buhok. Ang bulaklak naman ay kulay lila at may dilaw na gitna. Karaniwan itong tumutubo sa mabababang lugar sa Luzon, Mindoro at Negros.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Malatungaw?
Ang iba’t ibang bahagi ng malatungaw ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang dahon at bulaklak ay may taglay na triterpenoids, glycolipids at flavonoids
- May taglay din na quercetin 1 at quercitrin 2 ang dahon.
- Makukuha din sa halaman ang flavonoids, flavan-3-ols, triterpenes, tannins, anthocyanins, saponins, steroids, glycosides, at phenolics.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ng malatungaw ay maaaring nguyain, dikdikin at ipantapal sa ilang kondisyon sa balat. Maaari din kainin ang mismong dahon na parang gulay para magamot din ang ilang karamdaman. Mabisa din kung iinumin ang pinaglagaan nito.
- Ugat. Ang ugat ng halaman ay maaari ding gamitin para sa ilang kondisyon.
- Usbong (shoots). Ang murang usbong ng halaman ay kadalasang kinain para makagamot.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Malatungaw?
- Sugat. Mabisang pantapal ang dinikdik na dahon ng malatungaw para matigil ang pagdurugo ng sugat at maiwasan ang impeksyon.
- Pagtatae. Ang usbong ng dahon ay dapat kainin para masulosyonan ang kondisyon ng pagtatae. Mainam din inumin ang pinaglagaan ng dahon para magamot ang kondsiyon ng pagtatae.
- Pananakit ng ngipin. Mabisang paghugas sa bibig ang katas ng ugat ng halaman upang matulungan ang pananakit ng ngipin.
- Altapresyon. Ang usbong na dahon ng halaman ay dapat ring kainin para mapababa ang presyon ng dugo.
- Diabetes. Maaari ding gamitin para sa diabetes ang usbong na dahon ng malatungaw.
- Impatso. Makatutulong din na pabilisin ang pagtunaw ng pagkain kung iinumin ang pinaglagaan ng dahon.
- Almoranas. Ang pamamaga ng tumbong ay maaring matulungan din kung regular na iinumin ang pinaglagaan ng dahon at ugat ng malatungaw.
- Dysenteria. Ang malalang kondisyon ng pagtatae ay maaaring magamot naman ng pagkain ng usbong ng halaman.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.