Malunggay

Kaalaman tungkol sa Malunggay bilang halamang gamot

Scientific name: Moringa oleifera Lam.; Moringa nux-ben Perr.

Common name: Malunggay (Tagalog); Ben oil tree, Ben tree (Ingles)

Ang malunggay ay isang halaman na kilala dahil sa mga dahon nito na maaaring kainin bilang gulay. Ito ay karaniwan sa mabababang lugar sa Pilipinas, may maliit na puno at may dahong bilog-bilog. May bunga ito na pahaba na tila sitaw at ang bulaklak ay maputi at may mahalimuyak na amoy. Napatunayang mayaman ang halamang ito sa mga mahahalagang bitamina at mineral.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Malunggay?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang malunggay ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang buto ay may langis na ben o behen oil na may taglay na palmitic, stearic, myristic, oleic, at behenic acids
  • Ang ugat naman ay mayroong alkaloid na moringine at moringinine
  • Ang mga dahon ay mayaman sa calcium, iron, phosphorus at vitamins A, B at C
  • Ang bunga ay may taglay din na protina at phosphorus, calcium at iron

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang mga dahon ng malunggay ay inilalaga at iniinom, o kaya ay kinakain mismo. Maaari ding itong dikdikin at ipantapal sa ilang mga kondisyon sa katawan
  • Bunga. Ang mala-sitaw na bunga naman ay kinakain din para sa ilang kondisyon sa katawan.
  • Ugat. Ang ugat ay kalimitan ding inilalaga upang mainom at makagamot.
  • Balat ng kahoy. Mabisa din ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng malunggay

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Malunggay?

1. Sinok. Ang sinok na ay maaaring maibsan sa tulong pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng malunggay.

2. Pagpapasuso ng gatas. Nakatutulong naman ang pag-inom sa pinaglagaan ng murang dahon ng malunggay sa pagpapalakas ng gatas ng nagpapasusong ina.

3. Hirap sa pagdumi. Ang hirap sa pagdumi o pagtitibi ay matutulungan ng pagkain sa bunga at mga dahon ng malunggay

4. Sugat. Ang malalalang sugat na matagal maghilom ay maaaring hugasan ng gamit ang pinaglagaan ng ugat ng malunggay. Ang dinikdik na dahon na hinalo sa langis ng niyog ay mainam din para mapabilis ang paghilom ng sugat.

5. Pananakit ng mga kalamnan (spasm). Matutulungan ng pag-inom sa pinaglagaan ng mga ugat ng malunggay ang mga nananakit na kalamnan dahil pasma.

6. Sore throat. Mabisa naman para sa sore throat ang pagmumumog sa pinaglagaan ng ugat.

7. Rayuma. Ang kondisyon naman ng rayuma ay maaring maibsan sa tulong ng pag-inom sa pinaglagaan ng mga buto ng malunggay, o kaya ay pinaglagaan ng dahon ng malunggay.

8. Altapresyon. Ginagamit din na pampababa sa presyon ng dugo ang pagkain sa buto ng malunggay.

9. Hika. Maaari ding makatulong sa kondisyon ng hika ang pag-inom sa gatas na hilauan ng katas ng ugat ng malunggay.

10. Bulate sa sikmura. Ginagamit din na pampurga sa mga bulate sa tiyan at bituka ang mga buto ng malunggay.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.