Manga

Kaalaman tungkol sa Manga bilang halamang gamot

Scientific name: Mangifera indica Linn.; Mangifera anisodora Blanco; Mangifera domestica Gaertn.

Common name: Manga (Tagalog); Mango (Ingles)

Image Source: kalusugan.ph

Ang manga ay isa sa mga paboritong prutas ng mga Pilipino. Ito ay isang uri ng halamang tropiko na tumutubo lang sa mga lugar na nasa rehiyong Tropiko kung saan kabilang ang Pilipinas. Karaniwang makikita ang puno nito sa mga taniman na nasa mabababang lugar at maging sa mga bakuran. Ang puno ay mataas, malaki at maraming dahon. May bulaklak na madilaw tumutubo nang kumpol-kumpol. May bunga na may malaking buto sa gitna ay maaaring kulay berde kung hilaw at dilaw kung hinog.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Manga?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang manga ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang bunga ng manga ay may iron, at mataas na lebel ng vitamins A, B, at C. May taglay din ito na citric, tartaric at mallic acids.
  • Ang buto ay mayroong langis, oleostearin, starch, gallic acid, at tannin
  • Ang mga dahon at bulaklak ay may taglay na humulene, elemene, ocimene, linalool at nerol. Makakuha naman ng phenols, flavonoids, tannins, at saponins sa dahon.
  • Ang balat ng kahoy ay mayroon namang mangostine, 29-hydroxymangiferonic acid, mangiferin at flavonoids.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang dahon ay maaaring katasan at ihalo sa inumin o ilaga at inumin na parang tsaa. Minsan ay pinatutuyo din ito, dinudurog at saka hinahalo sa inumin.
  • Balat ng kahoy. ANg balat ng kahoy ay karaniwan ding inilalaga at ipinaiinom ang pinaglagaan upang makagamot.
  • Buto. Ang buto na pinatuyo at pinulbos ay maaaring gamitin sa ilang kondisyon sa katawan.
  • Ugat. Ang ugat ay karaniwang pinakukuluan at ipinaiinom na parang tsaa sa may sakit.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Manga?

1. Ubo. Mabisa para sa ubo ang pag-inom sa inumin na nilagyan ng murang dahon ng manga.

2. Pagtatae. Ginagamit naman na panlunas para sa pagtatae ang pinaglagaaan ng balat ng kahoy at buto ng manga. Maaari ding gamitin ang pinaglagaan ng ugat ng manga. Ang pag-inom sa katas ng dinikdik na dahon ay may kapareho ring epekto.

3. Pagkawala ng boses. Makatutulong para sa panunumbalik ng nawalang boses ang pinaglagaan ng dahon ng manga. Maaari din itong ihalo sa pulot o honey at inumin na parang tsaa.

4. Galis sa balat. Maaring gamutin ang pagsusugat at pangangati ng balat na dulot ng galis sa pamamagitan ng paglalagay ng langis na hinaluan ng dagta mula sa balat ng kahoy ng manga.

5. Diabetes. Ang sakit na diabetes ay maaaring matulungan ng pag-inom sa tubig na hinaluan ng dinurog na tuyong dahon ng mangga. O kaya naman ay pag-inom sa pinaglagaan ng sariwang dahon ng manga.

6. Paso. Ang abo naman ng sinunog na dahon ng manga ay mabisa para sa mga sugat at paso.

7. Bulate sa sikmura. Mabisa ding pangontra sa bulate sa sikmura ang pagkain sa loob na bahagi ng buto ng hilaw na manga.

8. Hika. Nakatutulong din ang pinulbos na buto ng manga para sa mga sintomas na nararanasan dulot ng hika.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.