Manzanilla (Chrysanthemum)

Kaalaman tungkol sa Manzanilla (Chrysanthemum) bilang halamang gamot

Scientific name: Chrysanthemum indicum L.; Chrysanthemum japonicum Thunb.; Chrysanthemum sabinii Lindl.

Common name: Manzanilla (Tagalog); Roman camomile, Winter aster (Ingles)

Ang manzanilla, o mas kilala sa tawag na “mums”, ay isang namumulaklak na halaman. Ito ay kalimitang nakikitang nakatanim sa mga paso, harapan ng bahay, o sa mga hardin. Madalas din itong tanim sa mga flower farm at inaani bilang halamang ornamental. Ang halaman ay mababa lamang at ang bulaklak ay maaaring dilaw o puti. Ang mga pananim na ito ay pinakamadalas na nakikita sa matataas na lugar gaya ng Benguet.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Manzanilla (Chrysanthemum)?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang manzanilla ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang mga dahon at bulaklak ay may taglay na langis (kiku oil),glucoside, chrysanthemin, at anthocyanin.
  • Ang langis ay makukuhanan din ng chrysanthenone.
  • Ang bulaklak ay mayroong acacetin, acacetin-7-O-(6″-O-acetyl) beta-D-glucopyranoside, linarin, apigenin-7-O-beta-D-glucopyranoside, chlorogenic acid, vanillic acid, at sucrose.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ang buong halaman ay maaring gamitin sa panggagamot.
  • Bulaklak. Ang bulaklak ng mansanilla ay maaaring ilaga at inumin na parang tsaa, o kaya ay dikdikin upang imapahid sa ilang kondisyon sa katawan.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Manzanilla (Chrysanthemum)?

1. Ubo. Mabisang pag-iwas sa ubo ang pag-inom sa pinaglagaan ng buong halaman, partikular ang mga bulaklak.

2. Whooping cough. Ang pinaglagaan din ng bulaklak ng manzanilla ay mabisa para sa kondisyon ng whooping cough o pertussis.

3. Kabag. Ang langis na pinagbabaran ng bulaklak sa loob ng 30 minuto ay maaaring ipampahid sa nanakit na sikmura dulot ng kabag.

4. Eczema. Mabisa din ang langis na pinagbabaran ng bulaklak para sa kondisyon ng implamasyon sa balat o eczema.

5. Altapresyon. Maaari namang inumin ang pinaglagaan ng bulaklak ng manzanilla upang mapababa ang presyon ng dugo.

6. Sore eyes. Maaaring ipatak sa mata ang pinaglagaan ng bulaklak at dahon ng manzanilla upang maibsan ang pakiramdam.

7. Pabalik-balik na lagnat. Matutulungang mapahupa ang pabalik-balik na lagnat sa tulong ng inumin na hinaluan ng bulaklak ng manzanilla.

8. Migraine. Ang matinding pananakit ng ulo dulot ng migraine ay maaaring matulungan ng mag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng manzanilla.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.