Mickey Mouse Plant

Kaalaman tungkol sa Mickey Mouse Plant bilang halamang gamot

Scientific name: Solanum mammosum Linn.; Solanum mammosissium Ramrez

Common name: Utong, Talong suso (Tagalog); Cow’s udder, Apple of Sodom, Mickey mouse plant (Ingles)

Ang mickey mouse plant ay isang maliit lamang na halaman na may matitigas at makahoy na sanga at bahagyang nababalot ng maliliit na tinik at buhok. Mas kilala ito bilang halamang ornamental dahil sa bunga nito na may kakaibang hugis. Ang bulaklak ay bahagyang kulay lila na may pagka asul. Makikitang pananim sa mga gilid ng kalsada at bakanteng lote sa isla ng Mindanao, Sulu, at Leyte.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Mickey Mouse Plant?

Ang iba’t ibang bahagi ng mickey mouse plant ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang bunga ng mickey mouse plant ay mayroong trigonelline, choline, vitamins A, B, at C, fat at protein. May taglay din itong calcium, phosphorus, at iron
  • Taglay din ng bunga ang glycoalkaloid at solamargine
  • Ang mga dahon naman ay mayaman sa Vitamin C

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ugat. Ang ugat ng mickey mouse plant ay maaaring ilaga upang ipanggamot.
  • Dahon. Ang mga dahon naman ay maaari ding ilaga at inumin.
  • Bunga. Ang katas ng bunga ay kadalasang hinahalo sa dinikdik na dahon upang ipanggamot sa ilang kondisyon sa balat.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Mickey Mouse Plant?

  1. Hika. Ang pinaglagaan ng ugat ng mickey mouse plant ay mabisang pinanggagamit sa kondisyon ng hika.
  2. Pagdurugo sa dumi. Dapat namang inumin ang pinaglagaan ng dahon ng mickey mouse plant kung dumaranas ng pagdurugo sa dumi.
  3. Sugat. Ang pinaglagaan ng dahon ng halaman ay pinanghuhugas sa sugat upang mapabilis ang paghilom. Ang pinaglagaan ng ugat ay maaari ding gamitin para sa sugat.
  4. Syphilis. Ang mga ugat ay maaaring pakuluan ihalo sa pagkain upang matulungan ang kondisyon ng syphilis.
  5. Pananakit ng sikmura. Iniinuman din ng pinaglagaan ng dahon ang kondisyon ng pananakit ng sikmura upang maibsan ang nararanasan.
  6. Alipunga. Dapat namang ipahid sa paa na apektado ng alipunga ang katas mula sa dinikdik na dahon ng Mickey Mouse plant.
  7. Galis. Pinapahid naman ang hiniwang bunga ng mickey mouse plant sa balat na apektado ng galis.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.