Kaalaman tungkol sa Mirasol (Sun Flower) bilang halamang gamot
Scientific name: Helianthus annuus
Common name: Mirasol (Tagalog); Sun Flower (Ingles)
Ang mirasol, o mas kilala sa pangalang sunflower, ay isang namumulaklak na halaman na kilalang-kilala ng halos lahat. Ito ay tumutubo na patayo, at bibihirang may sanga, at kalimitang may iisang bulaklak sa dulo. Ang dilaw na bulaklak ay mistulang araw kung kaya’t tinatwag ito na sunflower. Ang mga dahon ay may balahibo malapad at may tusok-tusok na gilid. Sa ibang lugar, ang sunflower ay tinatanim at inaani para sa mga buto nito na maaaring kainin.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Mirasol (Sun Flower)?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang mirasol o sunflower ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang buong halaman ay maaaring makuhanan ng oleic acid, triacyl glycerol, alkaloids, cyanogenic glycosides, saponins, cardiac glycosides, tannins, langis at phenolics.
- Taglay ng langis ng sunflower ang linoleic acid
- Ang bulaklak ay mayroong quercimeritrin, anthocyanin, cholin at betain
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Bulaklak. Maaaring gamitin sa panggagamot ang pinaglagaan ng bulaklak ng mirasol. Ito’y iniinom na parang tsaa.
- Dahon. Ang dahon ay pinakukuluan din at iniinom na parang tsaa.
- Buto. Ang buto naman ng sunflower ay ihinahalo sa inumin at iniinom din na parang tsaa.
- Ugat. Mabisa rin ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng sunflower.
- Balat ng kahoy. Maaari ding gamitin ang pinaglagaan ng balat ng kahoy at pag-inom ng dito na parang tsaa.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Mirasol (Sun Flower)?
1. Impeksyon sa baga. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng bulaklak ng sunflower ay mabisa para sa ilang mga kondisyon ng impeksyon sa baga.
2. Ubo na may makapit na plema. Mabisang pampalambot ng makapit na plema ang pag-inom sa tsaa o pinaglagaan ng bulaklak at mga dahon ng sunflower. Mabisa rin para sa kondisyong ito ang pinaglagaan ng mga buto ng sunflower.
3. Hika. Ang sintomas naman ng hika ay maaaring matulungan ng pag-inom sa tubig na hinaluan ng dahon ng sunflower.
4. Diabetes. Maaaring inumin naman ang pinaglagaan ng ugat ng halamang sunflower para sa sakit na diabetes.
5. Hirap sa pag-ihi. Ang pagkain naman sa mga buto ng sunflower ay makatutulong na palakasin ang pag-ihi.
6. Lagnat. Pinaghahalo naman ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng sunflower at mismong bulaklak para ipainom sa taong may mataas na lagnat.
7. Kagat ng insekto. Maaari ding gamitin ang dahon bilang pantapal sa kagat ng insekto.
8. Malaria. Ang pabalikbalik na lagnat dahil sa sakit na malaria ay maaari ding malunasan ng pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng halaman at bulaklak mismo ng sunflower.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.