Kaalaman tungkol sa Moras bilang halamang gamot
Scientific name: Morus indica Linn., Morus alba Linn., Morus atropurpurea Roxb.
Common name: Moras (Tagalog); Mulberry tree (Ingles)
Ang moras ay isang puno na may katamtamang taas at kilala dahil sa mapula o maitim nitong bunga. Ang dahon ay may tusok-tusok sa gilid at bahagyang bilugan na pahaba. Sa Pilipinas, karaniwan itong makikita sa mga hilagang lalawigan ng Cagayan at Batanes.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Moras?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang moras ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Taglay ng halaman ang ilang substansya gaya ng tannins, phytosterols, sulfur; langis, at saponins.
- Ang bunga naman ay makukuhanan ng fat, urease; pectin, citrates, at malates.
- Ang ugat ay mayroon ding sterols, flavones, flavanone, stilbene, benzophenone, coumarin derivatives at succinic acid.
- Makukuha naman sa dahon ang calcium malate, calcium carbonate, pentosane, tannin, carotin, ash, pati na vitamin C at choline
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ay karaniwang kinakain o nilalaga upang mainom ang pinaglagaan.
- Bunga. Ang bunga naman ay karaniwang kinakain lamang, o kaya ay pinatutuyo bago ilaga at inumin.
- Balat ng kahoy. Maaari ding ilaga ang balat ng kahoy ng moras para magamit sa panggagamot.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Moras?
- Diabetes. Ang bunga ng moras ay kinakain para matulungan ang kondisyon ng diabetes.
- Pananakit ng ulo. Ang pinaglagaan ng dahon ay maaaring gamitin na panglunas sa para sa pananakit ng ulo. Ang pinaglagaan ay iniinom lamang.
- Hirap sa pagdumi. Dapat namang inumin ang pinaglagaan ng pinatuyong bunga ng moras para matulungan ang pagtitibi.
- Nagpapasusong ina. Ang pagkain sa murang dahon ng moras ay makatutulong sa pagpapalakas ng gatas ng ina.
- Lagnat. Inilalaga naman ang balat ng kahoy ng puno para sa maibsan ang mataas na lagnat.
- Epilepsy. Makatutulong naman para sa kondisyon ng epilepsy ang pag-inom din sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng punong moras.
- Sugat. Ang pinitpit na dahon ay dapat ipantapal sa sugat upang matulungan ito sa mabilis na paggaling.
- Rayuma. Ang mga tangkay ng halaman ay kadalasang nilalaga din at pinapainom sa taong dumadanas ng pananakit sa kasukasuan.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.