Mustasa (Mustard)

Kaalaman tungkol sa Mustasa (Mustard) bilang halamang gamot

Scientific name: Sinapsis integrifolia West; Sinapsis juncea L.; Brassica juncea Hook f. & Thoms.

Common name: Mustasa (Tagalog); Mustard (Ingles)

Image Source: kalusugan.ph

Kilala ang halaman na mustasa bilang gulay na pansahog sa ilang mga lutuin gaya ng sinigang sa miso. Kilala rin ang pampalasa na kulay dilaw mula naman sa mga buto nito. Ang halaman na mustasa ay maliit lang at karaniwang tumutubo sa mabababang lugar. May bulaklak rin na kulay dilaw, at may bunga na kahalintulad ng sitaw.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Mustasa (Mustard)?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang mustasa ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang buto ng mustasa ay nakukuhanan ng langis na siyang ginagamit as paggawa ng dilaw na pampalasa.
  • Ang halaman ay makukuhanan ng substansya na sinnigrin
  • Ang dahon na madalas kainin bilang gulay ay mayaman sa calcium, phosphorus, iron at vitamin B

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Buto. Ang mga buto ng mustasa ay maaaring durugin, pakuluan at ipanghugas sa apektadong katawan, o kaya ay ipantapal sa ilang kondisyon sa balat.
  • Dahon. Ang dahon ng mustasa ay karaniwan ding inilalaga upang mainom, o kaya ay dikdikin upang gamitin na pantapal. Maaari ding itapal ang buong dahon sa balat.
  • Langis. Ang langis na nakukuha mula sa mga buto ng mustasa ay mabisa para ilang kondisyon at karamdaman.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Mustasa (Mustard)?

  1. Pananakit ng likod (lower back pain). Matutulungan na maibsan ang kondisyon ng pananakit sa likod ng pagtatapal ng dahon ng mustasa sa apektadong bahagi ng katawan.
  2. Pagsisinok. Ang walang humpay na pagsinok ay maaaring matulungan ng pagtatapal ng dahon sa bahagi ng sikmura.
  3. Pananakit ng ulo. Ang pagbababad ng paa sa pinaglagaan ng buto at dahon ng mustasa ay makatutulong para maibsan ang kondisyon ng pananakit ng ulo.
  4. Lagnat. Mabisa rin para mapababa ang lagnat ang pagbababad ng paa sa pinaglagaan ng buto at dahon ng mustasa.
  5. Rayuma. Ginagamit naman ang dinikdik na dahon at at buto ng mustasa bilang pantapal sa bahagi ng katawan na nananakit dahil sa rayuma.
  6. Sugat. Ang sugat na mabagal maghilom ay maaaring lagyan ng purong langis  na nakuha sa buto ng mustasa.
  7. Gout. Ang gout o malalang kondisyon ng rayuma ay matutulungan naman ng pagtatapal ng dinikdik na buto ng mustasa.
  8. Pananakit ng kalamnan. Ipinangmamasahe sa nananakit na kalamnan ang langis ng mustasa na hinaluan ng camphor upang maibsan ang pakiramdam.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.