Niyog

Kaalaman tungkol sa Niyog bilang halamang gamot

Scientific name: Cocos nucifera Linn.; Cocos mamillaris Blanco

Common name: Niyog (Tagalog); Coconut (Ingles)

Ang niyog ay isa sa mga kilalang halaman na maraming gamit mula ugat hanggang sa mga bunga. Maaari itong makuhanan ng langis, mga sangkap sa lutuin (gata, suka, at ubod), materyales na kahoy, alak, at marami pang iba.  Ito ay isang mataas na puno na karaniwan makikita sa mga maiinit na bansa gaya ng Pilipinas kung saan ito ay tinatanim sa malalawak na taniman. Sa katunayan, ang Pilipinas ang isa sa mga bansang may pinakamataas na produksyon ng niyog sa buong mundo.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Niyog?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang niyog ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang bunga ng niyog ay makukuhanan ng langis na may lauric at myristic acid, at may glyceryl ester din ng caproic, capryllic, capric, at oleic acid.
  • Ang maputing laman ng niyog ay makukuhanan naman ng protein, vitamins A, B, at C; nonyl alcohol; methyl heptyl ketone; methyl undecyl ketone; capronic, decylic, caprylic, lauric at myristic acids, lecithin, stigmasterin, phytosterin; choline; globulin; galactoaraban, galactomannan
  • Ang sabaw ng buko ay may protein, ash, saccharose; oxidase; catalase, diastase. Mayroon pa itong carbohydrates, vitamin B at C, magnesium at potassium.
  • Ang iba pang bahagi ng halaman ay may taglay naman na terpenoids, alkaloids, resins, glycosides at steroids

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Bunga. Ang bunga ng niyog ay ginagamit sa maraming paraan ng paggagamot. Maaari itong gataan, kuhanan ng langis, o gamitin ang mismong sabaw ng niyog sa panggagamot.
  • Langis. Ang langis na nakukuha sa bunga ng niyog ay maaaring gamitin na pampahig sa balat o kaya’y ihahalo sa inumin.
  • Ugat. Ang batang ugat ng puno ng niyog ay kalimitang pinakukuluan at pinapainom sa may karamdaman.
  • Sabaw. Ang sabaw naman ng niyog ay karaniwan ding pinapainom sa mga may karamdaman.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Niyog?

1. Hirap sa pagdumi. Ang hirap sa pagdumi ay maaaring maibsan sa tulong ng mag-inom ng 1 hanggang 2 kutsara ng gata.

2. Balakubak. Para sa kondisyon ng balakubak, ipinangmamasahe sa anit ang langis ng niyog. Makabubuti kung ibababad ng magdamag sa ulo ang langis.

3. Pagtatae. Paiinumin naman ng tubig ng niyog ang taong dumadanas ng pagtatae.

4. Panunuyo ng balat. Matutulungan din ng langis ng niyog ang kondisyon ng panunuyo ng balat. Ipinangpapahid ang langis sa apektadong balat.

5. Sore throat. Makatutulong ang pagmumumog gamit ang pinaglagaan ng batang ugat ng puno sa kondisyon ng sore throat.

6. Paglalagas ng buhok. Mabisa rin upang maiwasan ang paglalagas ng buhok sa pamamagitan ng pagpapahid ng langis ng niyog sa anit o bahagi ng ulo na napapanot.

7. Bulutong. Ang mga sintomas ng bulutong ay maaaring mabawasan sa tulong ng pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng puno ng niyog.

8. Hirap sa pag-ihi. Iniinom naman ang sabaw ng niyog upang mas madaling maihi.  May kaparehong epekto rin ang pag-inom sa pinaglagaan balat ng kahoy ng puno ng niyog.

9. Diabetes. Ang regular na pag-inom sa sabaw ng ng niyog ay makatutulong sa kondisyon ng diabetes.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.