Pandakaki Puti

Kaalaman tungkol sa Pandakaki Puti bilang halamang gamot

Scientific name: Ervatamia benthamiana Domin.; Tabernaemontana mindanaensis Merr.; Tabernaemontana pandacaqui Poir.; Tabernaermontana laurifolia Blanco

Common name: Pandakaki, Pandakaki Puti. Kampupot (Tagalog); Banana bush, Windmill Bush (Ingles)

Ang pandakaki ay isang halaman na may katamtamang taas at makahoy na mga sanga. May bulaklak ito na kulay puti at bunga na mamula-mula o madilay at maraming buto. Karaniwang nakikita sa mabababang lugar sa buong kapuluan ng Pilipinas mula Luzon hanggang Mindanao.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Maaaring dikdikin ang dahon at gamitin na pantapal sa ilang bahagi ng katawan. Ang dahon ay maaari ding painitan sa langis bago ipantapal sa balat. Ang paglalaga sa tinadtad na dahon ay maaari ding gawin upang magamit ang pinaglagaan ng dahon.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Pandakaki Puti?

1. Iregular na pagreregla. Kung hindi regular ang buwanang dalaw, ang dinikdik na dahon ng pandakaki ay maaaring gamitin na pantapal sa puson upang makatulong sa kondisyon.

2. Eczema. Ang tinadtad na dahon ng pandakaki ay maaaring ilaga at ipanghugas sa bahagi ng balat na apektado ng eczema.

3. Pangangati ng balat. Ang walang tigil na pangangati ng balat ay maaaring punasan ng dahon na pinainitan kasama ng langis.

4. Sugat. Makatutulong naman na pabilisin ang paghilom ng sugat sa pamamagitan ng paglalagay ng katas ng dahon sa apektadong bahagi ng katawan.

5. Pananakit ng mga kalamnan sa paa. Maaari namang ibabad ang paa sa pinaglagaan ng dahon ng pandakaki upang maibsan ang pangangawit at pananakit ng mga kalamnan sa bahagi ng paa.

6. Panganganak. Ang mga dahon ng pandakaki ay ipinangtatapal sa tiyan ng ina na nanganganak upang mapabilis ang panganganak.

7. Pananamlay ng ari ng lalaki (erectile dysfunction). Mabisang nakapagpapasigla ng ari ng lalaki ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng pandakaki na parang tsaa.

8. Pananakit ng sikmura. Iniinom naman ang pinaglagaan ng ugat at balat ng kahoy para maibsan ang kondisyon ng pananakit ng tiyan.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.