Pandan

Kaalaman tungkol sa Pandan bilang halamang gamot

Scientific name: Pandanus blancoi Kunth; Pandanus malatensis Blanco; Pandanus tectorius Solander.

Common name: Pandan (Tagalog); Screw-pine (Ingles)

Ang pandan ay isang karaniwang pampabango o pampalasa sa mga tinapay, kakainin, o kanin. Ang dahon nito, na siyang pinagkukunan ng mabangong amoy, ay nagmumula sa isang halaman na may katamtamang taas. Ang dahon ay pahaba na parang damo at maaaring may tinik sa gilid o wala. Ang malaking uri ng pandan ay karaniwang nakikita sa mga dalampasigan, habang ang maliit na halaman ay karaniwan naman sa mga mababang lugar.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Pandan?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang pandan ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang pandan ay may taglay na essential oil, alkaloids, glycosides, isoprene esters, at tannin.
  • Ang langis ng pandan ay mayroong diterpene, d-linalool, phenylethyl acetate, citral, phenylethyl alcohol ester, ester of phthalic acid, fatty acids and steroptene.
  • May taglay din ito na provitamin A carotenoids.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ugat. Ang ugat ay maaaring ilaga at inumin na parang tsaa. Makatutulong ito sa ilang kondisyon sa katawan. Maaari pa itong nguyain upang makatulong sa kondisyon sa bibig.
  • Dahon. Maaaring dikdikin ang dahon ng pandan at ihalo sa langis upang magamit na pantapal sa katawan. Maaari ding ilaga ang dahon at inumin.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Pandan?

1. Hirap sa pag-ihi. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng sariwa o pinatuyong ugat ng pandan ay mabisa para mapadali ang pag-ihi. Iniinom ito na parang tsaa.

2. Pananakit ng ulo. Pinapainom sa taong dumadanas ng kondisyon ng pananakit ng ulo ang pinaglagaan ng mabangong dahon ng pandan. Maaari ding gamitin ang dinikdik na dahon na hinalo sa langis para ipantapal sa nanakit na ulo.

3. Sugat. Tumtutulong naman na pabilisin ang paghilom ng sugat ang pagtatapal ng dinurog na pinatuyong dahon ng pandan.

4. Rayuma. Nakatutulong din sa pagpapahupa ng pananakit ng mga kasukasuan dahil sa rayuma ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng pandan.

5. Madaling pagsusugat ng gilagid. Nakapagpapatibay naman ng gilagid ang pagnguya sa ugat ng pandan.

6. Pigsa. Mahusay naman na pantanggal ng pigsa ang dinurog na dahon na hinaluan ng katas ng kalamansi at kaunting asin.

7. Pagsusuka. Ang tuloy-tuloy na pagsusuka ay maaaring gamutin ng pag-inom sa pinaglagaan ng pandan.

8. Pananakit ng tenga. Pinapatakan naman ng katas ng bulaklak ng pandan ang nananakit na tenga.

 

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.