Patola

Kaalaman tungkol sa Patola bilang halamang gamot

Scientific name: Luffa acutangula (L.) Roxb.; Cucumis acutangulus  Linn.; Curcubita acutangula (L.) Blume

Common name: Patola (Tagalog); Ridge Gourd, Sponge gourd, Angled luffa (Ingles)

Image Source: kalusugan.ph

Ang patola ay isang gumagapang na halaman na may bunga na maaaring kainin bilang gulay. Ang produktong luffa na ginagamit na panghilod sa pagligo ay nagmumula sa bunga ng patola. Karaniwan itong pananim sa maraming lugar sa buong mundo.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Patola?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang patola ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang bunga ay may mapait na luffeine, habang ang mga buto ay may taglay na langis ng glycerides ng palmitic, stearic, at myristic acids.
  • Ang bunga ay may taglay din na mineral na calcium, iron at phosphorus, pati na bitamina B.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Maaaring ilaga ang dahon upang magamit sa panggagamot. Maari din itong dikdikin upang magamit na pantapal o kaya’y kuhanan ng katas.
  • Bunga. Ang laman ng bunga ay mabisa rin sa iba’t  ibang kondisyon sa katawan.
  • Buto. Ang langis na makukuha sa buto ay mabisa ring gamot. Ito’y ipinangpapahid lamang.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Patola?

 1. Hindi dinadatnan ng regla. Maaaring makatulong sa kondisyong ito ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng patola.

2. Almoranas. Ang dinikdik na dahon ng patola ay mabisa naman para sa kondisyon ng almoranas kung ipantatapal ito sa apektadong bahagi ng katawan.

3. Sore eyes. Ang katas ng dahon ng patola ay maaaring makatulong kung ipampapatak sa apektadong mata.

4. Sugat. Ang mga sugat naman sa balat ay matutulungang paghilumin ng pagpapahid ng katas ng dahon ng patola.

5. Pagsusuka. Ang laman ng patola ay pinapakain sa taong dumadanas ng madalas na pagsusuka.

6. Dermatitis. Ang kondisyon ng dermatitis sa balat ay maaring malunasan ng pagpapahid ng langis mula sa buto ng patola.

7. Paninilaw ng balat (jaundice). Ang kondisyon ng paninilaw ng balat dahil sa problema sa atay ay matutulungan ng paghithit na parang sigarilyo sa pinatuyong dahon ng patola.

8. Bulate sa tiyan. Ang buto ay maaaring kainin bilang pampurga sa bulate sa sikmura.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.