Pinya

Kaalaman tungkol sa Pinya  bilang halamang gamot

Scientific name: Ananas comosus (L.) Merr.; Bromelia ananas Linn.; Bromelia comosa Linn.

Common name: Pinya, Piña (Tagalog); Pineapple (Ingles)

Ang pinya ay isang kilalang prutas sa Pilipinas. Sa katunayan, isa ang Pilipinas sa mga may pinakamataas na produksyon ng pinya sa buong mundo. Ang halaman nito ay mababa lamang, at may dahon na patulis at may matatalim na gilid. Ang bunga nito ay may madilaw na laman, masabaw at may matamis o maasim na lasa. Karaniwan itong tumutubo sa mga bansang topiko gaya ng Pilipinas.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Pinya ?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang pinya ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang bunga ng pinya ay may taglay na saccharose, glucose, at fructose. Mayroon pa itong mannite, citric acid, vanillin at bromelin.
  • Mayroon ding taglay na mineral na phosphoric at sulfuric acid, lime magnesia, silica, iron, at chlorides of potassium at sodium.
  • Mayaman pa ito sa vitamin vitamins A at B, at lalo na sa vitamin C

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang matigas at matalim na dahon ay maaring katasan upang magamit sa panggagamot.
  • Bunga. Ang bunga ay maaaring kainin lamang o kaya ay kuhanan ng katas at inumin.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Pinya ?

1. Bulate sa tiyan. Mabisang pampurga sa impeksyon ng bulate sa katawan ang pag-inom sa katas ng dahon ng pinya. Dapat itong inumin ng apat na beses sa isang araw.

2. Pamamaga. Makatutulong sa pamamaga sa katawan ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng pinya.

3. Dyspepsia. Ang pananakit ng sikmura dahil sa problema sa pagtunaw ng pagkain ay maaaring maibsan ng pag-inom sa katas ng sariwang bunga ng pinya.

4. Hirap sa pag-ihi. Matutulungan din ng pag-inom sa katas ng bunga ang kondisyon ng hirap sa pag-ihi.

5. Hirap sa pagdumi. Dapat namang pakainin ng hinog na bunga ng pinya ang taong hirap makadumi.

6. Impeksyon ng bacteria. May bisa laban sa mga mikrobyo ang katas ng bunga ng punya kung kaya’t makatutulong ang pag-inom nito kung sakaling may impeksyon sa katawan.

7. Scurvy. Ang scurvy ay sakit na nakukuha dahil sa kakulangan ng Vitamin C sa katawan. Ang kondisyong ito ay maaaring matulungan ng pag-inom ng katas ng pinya o kaya’y pagkain mismo sa hinog na bunga.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.