Kaalaman tungkol sa Pipino bilang halamang gamot
Scientific name: Cucumis sativus Linn.
Common name: Pipino (Tagalog); Cucumber (Ingles)
Ang gulay na pipino ay nagmumula sa gumagapang na halaman na karaniwang tumutubo sa maiinit na lugar sa mundo kabilang na ang Pilipinas. Ang pahaba, malaman, makatas at berdeng bunga ay paborito ng marami at karaniwang pinepreserba (pickled). May maliliit itong bulaklak na kulay dilaw.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Pipino?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang pipino ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang halaman ay may alkaloids, glycosides, steroids, saponin, flavonoid, at tannin
- Ang bunga ng pipino ay may dextrose, saccharose, at langis. Mayaman ito sa mineral na calcium at iron, at may vitamin B at C.
- Ang buto naman ay mayroong langis na may oleic acid, linolic acid, palmitic acid, stearic acid, phytine at lecithine.
- Ang dahon naman ay may urea at hypoxanthine na isang uri ng alkaloid.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ng pipino ay maaaring katasan upang magamit sa panggagamot.
- Bunga. Ang hilaw o hinog na pipino ay maaaring gamitin para sa ilang kondisyon sa katawan. Maaari itong katasan, kainin, dikdikin at ipantapal.
- Buto. Mabisa din ang pag-inom sa pinaglagaan ng buto ng pipino.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Pipino?
1. Impatso. Ang katas ng dahon ng pipino ay maaaring ipainom sa taong apektado ng kondisyon ng impatso o hirap matunawan ng kinain.
2. Karamdaman sa bituka. Pinaniniwalaang mabisa para sa karamdaman sa bituka (Coeliac disease) ang pagkain sa hilaw na pipino.
3. Pagtatae. Makatutulong din ang pagkain ng hilaw na pipino para maibsan ang kondisyon ng pagtatae.
4. Paso. Nakapagpapabuti ng pakiramdam sa balat ang pagtatapal ng hiniwang pipino sa bahagi ng katawan na napaso.
5. Bulate sa tiyan. Ginagamit na pampurga sa bulate sa tiyan partikular ang Taenia (tapeworm) ang paglunok sa dinurog na buto ng pipino na hinalo sa asukal.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.