Kaalaman tungkol sa Puso-Puso bilang halamang gamot
Scientific name: Sebifera glutinosa Lour.; Litsea glutinosa (Lour.) C. B. Rob.; Litsea sebifera Pers.; Litsea littoralis F.-Vill.
Common name: Puso-puso, Batikuling, Porikit (Tagalog); Indian Laurel (Ingles)
Ang puso-puso ay isang maliit lamang na puno na bahagyang nababalot ng maliliit na buhok. Ang mga dahon ay malapad at bilugang-pahaba. Ang bulaklak naman ay maliliit lang at kulay dilaw na nakakumpol sa isang tangkay. Ang bunga naman ay maliliit na bilog-bilog. Orihinal na nagmula sa mga kagubatan sa rehiyong tropiko ng Asya, kung saan kabilang din ang Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Puso-Puso?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang puso-puso ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang mga buto ay makukuhanan ng tallowlike oil na may taglay na laurostearin at olein.
- Ang dahon naman ay mayroong phytol, caryophyllene, thujopsene at B-myrcene. Ang langis mula sa dahon ay mayroon namang lauric acid, 3-octen-5-yne, 2,7-dimethyl, α-cubebene at caryophyllene
- Ang punong kahoy naman ay makukuhanan ng (3R,4S,5S)-2-hexadecyl-3-hydroxy-4-methylbutanolide, litsealactone C, litsealactone D, litsealactone G, at eusmoside C.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Ugat. Karaniwang nilalaga ang ugat ng puso-puso upang mapakinabangan sa panggagamot. Maaari din itong dikdikin upang gamiting pampahid.
- Balat ng kahoy. Ang balat ng kahoy ay karaniwan namang nilalaga upang ipainom sa may sakit.
- Buto. Ang mga buto ay dinidikdik din upang magamit sa panggagamot.
- Dahon. Iniinom din ang pinaglagaan ng dahon para makagamot sa karamdaman. Maaari din itong dikdikin upang ipantapal.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Puso-Puso?
- Pagtatae. Ang pinaglagaan ng dahon ay mabisang gamot para sa pagtatae. Ito ay iniinom lamang na parang tsaa.
- Sugat. Ang dinikdik na ugat at dahon ng puso-puso ay maaaring gamitin na pantapal sa sugat upang mas mabilis gumaling.
- Pigsa. Pinangtatapal naman sa pigsa ang dinikdik na buto ng puso-puso upang maghilom din ang pigsa. Maaari ding ipantapal ang dinikdik na dahon ng puso-puso.
- Rayuma. Ang pananakit ng kasukasuan ay maaaring matulungan naman ng pagpapahid ng dinikdik na ugat sa apektadong bahagi ng katawan.
- Iregular na pagreregla. Iniinom ang pinaglagaan ng ugat para matulungan ang kondisyon ng pagreregla.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.