Kaalaman tungkol sa Rambutan bilang halamang gamot
Scientific name: Nephelium lappaceum Linn.; Nephelium glabrum Cambess.; Nephelium chryseum Blum.
Common name: Rambutan (Tagalog); Hairy Lychee, Ramboutanier (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang rambutan ay kilalang puno na karaniwang nakikitang nakatanim sa mabababang lugar sa Pilipinas. Ang bunga nito ay may mapula at mala-buhok na balat, matamis na laman, at malaking buto sa gitna. Ang mga dahon ay may pangkaraniwang itsura, at ang bulaklak ay kumpol-kumpol, maputi ay mahalimuyak. Orihinal itong nagmula sa mga lugar sa Timog Silangang Asya kung saan kabilangang Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Rambutan?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang rambutanay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang buto ng rambutan ay may taglay na oleic acid, arachin, stearin at olein. Mayroon pa itong protein at carbohydrates
- Ang laman ng bunga ay makukuhanan ng saccharose, dextrose, at levulose. Mayroon din itong Vitamin C.
- Ang mga tangkay ay may taglay na saponin
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Ugat. Maaaring ilaga ang ugat at ipainom sa taong dumadanas ng karamdaman.
- Bunga. Karaniwan namang kinakain lamang ang bunga, kinakatasan o kaya ay nilalaga at iniinom ang pinaglagaan
- Dahon. Madalas dinidikdik ang dahon at ginagamit na pantapal sa ilang kondisyon sa balat.
- Balat ng kahoy. Maaari din gamitin ang balat ng kahoy ng puno para sa panggagamot sa pamamagitan ng paglalaga at pag-inom sa pinaglagaan.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Rambutan?
Image Source: drfarrahcancercenter.com
- Lagnat. Ang pinaglagaan ng ugat ng rambutan ay mabisa para sa pagpapababa ng mataas na lagnat. Makatutulong din ang pagkain sa laman ng bunga ng rambutan para sa pagpapababa ng lagnat.
- Pagtatae. Ang pinaglagaan naman ng bunga ng rambutan ay makatutulong para maibsan ang pagtatae.
- Free radicals. Ang balat ng bunga ng rambutan ay may taglay na antioxidant na may kakayanang labanan ang mga free radicals na nagpapatanda sa katawan ng tao.
- Diabetes. Ang buto ng rambutan ay maaari ding ihalo sa tubig at saka inumin upang matulungan ang kondisyon ng diabetes.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.