Romero (Rosemary)

Kaalaman tungkol sa Romero (Rosemary) bilang halamang gamot

Scientific name: Rosmarinus officinalis Linn.

Common name: Romero (Tagalog); Rosemary (Ingles)

Image Source: kalusugan.ph

Ang romero ay isang maliit na halaman na may angking amoy at karaniwang ginagamit na pampabango sa mga pagkain. Ang mga dahon nito ay pahaba at mapapayat at may maliliit na mga bulaklak na maaring asul o lila. Karaniwan ito sa malalamig na bansa sa Europa at madali ring mabibili ang pinatuyong dahon nito sa mga pamilihan.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Romero (Rosemary)?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang romero ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang dahon ay mayroong langis na may taglay na cineol, borneol, camphene, rosemarin
  • Ang halaman ay may taglay din na caffeic acid at rosmarinic acid

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang mga dahon ng romero ang siyang ginagamit sa panggagamot sa ilang mga sakit at kondisyon. Madalas na pinakukuluan ang dahon nito at iniinom na parang tsaa. Maaari din ihalo ang dahon sa inumin o tubig na panligo. Ang langis na na makukuha din sa dahon ay pinanghihilot naman sa ilang kondisyon sa katawan.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Romero (Rosemary)?

1. Ubo. Maaaring makagamot sa ubo ang paglanghap sa usok ng pinaglalagaan ng dahon ng romero.

2. Hirap sa pag-ihi. Iniinom ang pinaglagaan ng dahon ng romero upang malunasan ang kondisyon ng hirap sa pag-ihi.

3. Kabag. Iniinuman din ng pinaglagaan ng dahon ng romero ang kondisyon ng kabag sa tiyan. Mabisa din ang pag-inom sa tubig na nilagyan ng mga dahon ng romero.

4. Rayuma. Dapat namang ibabad ang bahagi ng katawan na dumaranas ng sakit dahil sa rayuma sa pinaglagaan ng dahon ng romero.

5. Sore throat. Mabisa ding pangmumog ang pinaglagaan ng dahon ng romero para maibsan ang pananakit ng lalamunan o sore throat.

6. Katarata. Ang araw-araw na pag-inom sa tsaa ng romero ay pinaniniwalaang nakakabawas ng posibilidad ng pagkakaroon ng katarata sa mata.

7. Balakubak. Ang langis mula sa dahon ng romero ay ipinapahid sa anit na apektado ng pagbabalakubak.

8. Pagkapanot. Ang paglalagas ng buhok ay maaari namang mapigilan ng pagpapahid ng dinikdik na dahon ng romero na hinaluan ang alcohol.

9. Dyspepsia. Ang kondisyon naman ng dyspepsia o pananakit ng sikmura dahil sa hindi madaling pagtunaw ng pagkain ay maaaring malunasan ng pag-inom sa tsaa ng romero.

10. Mabahong hininga. Mabisa rin pang-alis sa mabahong amoy ng hininga ang pagmumumog gamit ang pinaglagaan ng dahon ng romero.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.