Saga

Kaalaman tungkol sa Saga bilang halamang gamot

Scientific name: Abrus precatorius Linn.; Abrus abrus (L.)Wright; Abrus cyaneus R.Vig.

Common name: Saga (Tagalog); Bead vine, Prayer beads (Ingles)

Ang saga ay isang gumagapang na halaman na may matigas na mga sanga. Ito ay kilala sa pagkakaroon ng mga buto na may matingkad na kulay na mistulang beads ng kwintas. Ang dahon ay simple at naka-ayos nang magkakatapat sa isang bawat tangkay, may bulaklak din ito na kulay lila o pink. Ang mga buto naman ay nakapaloob sa isang pod. Karaniwan itong nakikitang nakatanim sa mga mabababang lugar at paanan ng mga kabundukan.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Saga?

Ang iba’t ibang bahagi ng saga ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang buto ay may taglay na abric acid
  • Ang ugat ay may taglay naman na glycyrrhizin
  • Ang buong halaman ay makukuhanan ng tannins, triterpenes, glycosides, alkaloids, anthraquinones at carbohydrates

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Ang ilang bahagi ng halaman ay maaaring magamit sa panggagamot:

  • Ugat. Ang ugat ay karaniwang pinapatuyo ay nilalaga upang magamit sa panggagamot.
  • Dahon. Kilala ring panggamot ang dahon ng saga. Ito’y karaniwang nilalaga at pinapainom din sa may sakit.
  • Buto. Ang mga buto naman ay maaaring pulbosin at ipantapal sa ilang uri ng kondisyon.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Saga?

  1. Ubo. Mabisang panlunas sa ubo ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon at ugat ng halaman.
  2. Pamamaos. Ang pagkawala ng boses o pamamaos ay maaaring malunasan din ng pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng saga. Mabisa din ang pag-inom sa purong katas ng dahon.
  3. Pamamaga sa lalamunan. Ang pamamaga sa lalamunan na maaaring bunga ng sore throat ay matutulungan ng pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng halaman.
  4. Pagtatae. Ang matubig na pagdumi ay matutulungan din ng pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng halaman.
  5. Galis. Makatutulong naman sa kondisyon ng paggagalis sa balat ang pagtatapal ng pinulbos na buto ng halaman.
  6. Hika. Sa ibang lugar pa, ang pinaglagaan ng dahon ay pinaniniwalaang mabisa para sa hika.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.