Kaalaman tungkol sa Saging bilang halamang gamot
Scientific name: Musa paradisiaca Linn.; Musa sapientum Linn.
Common name: Saging (Tagalog); Banana (Ingles)
Ang saging ay isang mataas na halaman na karaniwan sa mga bansang nasa rehiyong tropiko, gaya ng Pilipinas. Sa katunayan, isa ang Pilipinas sa pinakamataas sa pag-eeksport ng produktong ito. Ang dahon ay malapad na pahaba, habang ang bunga naman na kulay dilaw ay kilalang-kilala at paborito ng mga Pilipino. Ang bulaklak naman nito, na kung tawagin ng mga Pilipino ay puso ng saging, ay kilala rin at maaring kainin bilang gulay.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Saging?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang saging ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang katas ng sanga ng bulaklak ng saging ay may potash, soda, lime, magnesia, alumina, chlorine, sulfuric anhydride, silica at carbon anhydride. Mayroon din itong vitamin B, oxalic acid, sulphate, vitamin C, starch, tannin, glycosides, phenolic compounds, gum mucilage
- Ang bunga ng saging ay may mataas na lebel ng mineral na potassium. Mayroon din itong iron.
- Ang hinog na bunga ay may taglay pa na vitamins A, B, at C
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Maaaring gamitin sa paggagamot ang dahon ng saging na karaniwang ipinangtatapal sa mga kondisyon sa katawan.
- Ugat. Ang malambot na ugat ng saging ay maaaring pulbusin at ipanggamot. Maaari din itong katasa
- Katas. Ang katas mula naman sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng halaman ng saging ay mabisa sa panggagamot. Maaaring kuhanan ng katas ang katawan ng halaman, o kaya ang sanga na tinutubuan ng bulaklak at bunga.
- Bulaklak. Maaaring gamitin ang katas ng bulaklak o puso ng saging sa panggagamot. Ang pagkain mismo sa puso ng saging ay mabisa rin na panggamot.
- Bunga. Ang bunga ng saging ay karaniwan namang kinakain lamang.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Saging?
1. Sugat. Maaaring ipambalot o gawing dressing sa sugat ang batang dahon ng saging.
2. Pagtatae. Dapat inumin ang katas ng mula sa katawan ng halaman na saging upang maibsan ang pakiramdam ng pagtatae. Makatutulong din para sa ganitong kondisyon ang pagkain sa hinog na bunga ng saging.
3. Pananakit sa loob ng tenga. Ang katas ng bulaklak ng saging ay maaaring ipatak sa loob ng tenga na may pananakit.
4. Diabetes. Mabisa para sa sakit na diabetes ang pagkain sa bulaklak ng saging na ginulay.
5. Pangangasim ng sikmura. Ang hilaw naman na saging ay maaaring kainin para maibsan ang pakiramdam ng pangangasim sa sikmura.
6. Paglalagas ng buhok. Nakatutulong ang paglalagay ng katas ng katawan ng halaman na mapanumbalik ang sigla ng pagtubo ng buhok sa ulo. Dapat lamang ipahid ito sa anit na may pagnipis ng buhok.
7. Anemia. Maaari namang ipainom sa pasyenteng dumadanas ng anemia ang pinaglagaan ugat ng halamang saging.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.