Sampaguita

Kaalaman tungkol sa Sampaguita bilang halamang gamot

Scientific name: Jasminum blancoi Hasak; Nyctanthes sambac Linn.

Common name: Sampaguita, Kampupot (Tagalog); Jasmin, Sambac (Ingles)

Ang sampaquita ay isang halamang namumulaklak na tiyak na kilalang-kilala ng mga Pilipino. Ito ang pambansang bulaklak ng Pilipinas at karaniwan itong nakikitang pansabit sa mga santo at rebulto. Ang maputing bulaklak ng sampaguita ay mahalimuyak. Ang halaman ay karaniwan sa maraming lugar sa Pilipinas.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Sampaguita?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang sampaguita ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Makukuhanan ng tannins, fats, silicon, iron, glucosides, calcium oxalate, essential oil ang bulaklak ng sampaguita.
  • Ang ugat naman nito ay may taglay na dotriacontanoic acid, dotriacontanol, oleanolic acid, daucosterol at hesperidin

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Bulaklak. Ang bulaklak ng sampagita ay karaniwang ginagamit sa paggawa ng tsaa. Ang tsaang ito naman ay mabisa bilang gamot.
  • Dahon. Ang dahon ay karaniwan ding ginagamit sa paggawa ng tsaa o kaya’y dinidikdik upang magamit na pantapal.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Sampaguita?

1. Lagnat. Dapat ipainom sa taong may lagnat ang tsaa mula sa dahon at bulaklak ng sampaguita. Makatutulong ito sa pagpapababa ng lagnat.

2. Ubo. Nakatutulong rin para sa ubo ang pag-inom sa tsaa ng sampaguita.

3. Pagtatae. Pinaiinom naman sa taong dumaranas ng pagtatae ang tubig na hinaluan ng pinatuyong bulaklak at dahon ng sampaguita.

4. Iritasyon sa mata. Makatutulong sa pamumula at pangangati ng mata ang paghuhugas dito gamit ang tubig na hinaluan ng pinatuyong bulaklak ng sampaguita.

5. Pagpapasuso. Ang produksyon ng gatas ng ina na nagpapasuso ng bagong silang na sanggol ay maaaring matulungan ng pagtatapal ng dahon ng sampaguita.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.