Kaalaman tungkol sa Santol bilang halamang gamot
Scientific name: Sandoricum koetjape Merr.; Sandoricum ternatum Blanco; Sandoricum indicum Cav.
Common name: Santol (Tagalog); Lolli fruit, Kechapi (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang santol ay isang mataas na puno na karaniwang tanim sa mababang lugar sa Pilipinas. Ito ay may mga dahon na nababalutan ng maliliit na balahibo, at nakapagbibigay ng bunga na bilog na may malalaking buto sa loob. Orihinal na nagmula sa mga bansang nasa Indochina (Malaysia, Laos at Cambodia) ngunit karaniwan na ring makikita sa Pilipinas, Indonesia at India.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Santol?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang santol ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang balat ng kahoy ay mayroong sandoricum acid na isang mapait na substansya. Mayroon pa itong katonic acid, indicic acid, koetjapic acid, 3-oxo-12-oleanen-29-oic acid, alloaromadendrene, caryophyllene oxide, spathulenol], bryononic acid, secobryononic acid, secoisobryononic acid, 20-epikoetjapic acid, 3-epikatonic acid at sandorinic acid A, B at C.
- Ang dahon ay makukuhanan naman ng sandrapins A, B, C, D at E, at sandoripin A at B.
- Ang bunga naman ay may taglay na bryononic acid at bryonolic acid terpenoids, meso-inositol at dimethyl mucate polyalcohol. Mayroon din itong carbohydrates, iron at kaunting calcium. May taglay pa itong vitamin B.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ng santol ay maaaring gamitin na pantapal sa balat bilang gamot sa ilang kondisyon. Maaari din itong ilaga at inumin na parang tsaa.
- Balat ng kahoy. Karaniwan namang ginagamit ang balaat ng kahoy bilang pantapal din sa ilang kondisyon sa balat.
- Ugat. Ang ugat ng santol ay karaniwan namang nilalaga upang mainom ng may sakit.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Santol?
Image Source: viralityfacts.com
1. Buni. Kadalasang pinangtatapal sa apektadong balat ang dinikdik na balat ng kahoy ng puno ng santol.
2. Pagtatae. Ang ugat na hinalo sa suka at tubig ay maaaring ipainom sa taong dumadanas ng pagtatae o disinteria.
3. Rashes sa balat. Ginagamit ang sariwang dahon ng santol na pantapal sa balat na may rashes at iritasyon.
4. Lagnat. Mabisang pampababa din ng lagnat ang pagpapaligo gamit ang pinagbabaran o pinaglagaan ng mga dahon ng santol.
5. Bagong panganak. Pinagliligo sa inang kapapanganak pa lamang ang pinaglagaan ng dahon at balat ng kahoy ng santol.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.