Siling Labuyo

Kaalaman tungkol sa Siling Labuyo bilang halamang gamot

Scientific name: Capsicum frutescens Linn.; Capsicum fastigiatum Blume; Capsicum minimum Roxb.

Common name: Siling labuyo (Tagalog); Chilli, Cayenne (Ingles)

Image Source: kalusugan.ph
Ang siling labuyo ay karaniwang halaman na makikita sa maraming lugar sa Pilipinas. Ito ay maliit lamang na halaman na bahagyang mala-kahoy ang katawan at sanga. Ang dahon ay maliit lamang, bilugan sa ibaba na patalim sa dulo. Ang bunga naman ay pahaba at patulis na may mapulang kulay kung hinog. Karaniwang sangkap sa maraming lutuing Pilipino dahil sa taglay nitong anghang.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Siling Labuyo?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang siling labuyo ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Taglay ng bunga ng siling labuyo ang kemikal na capsaicin na siyang nagpapaanghang sa lasa nito.
  • Makukuha sa halaman ang ester, terpenoids, noncarotenoids, lipoxygenase derivatives, carbonyls, alcohols, hydrocarbons, capsaicin, dihydrocapsaicin, capsiconinoid, at capsinoid.
  • Mayaman ang bunga sa mineral na calcium, phosphorus, at iron, gayundin sa vitamin A at B.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang dahon ng siling labuyo ay karaniwang dinidikdik at pinangtatapal sa ilang kondisyon sa balat. Madalas din itong ihalo sa tubig upang inumin.
  • Bunga. Ang bunga ay maaaring kainin, o kaya naman ay ihalo sa tubig at ipangmumog upang makagamot. Minsan ay dinidikdik, hinahalo sa langis, at ipinantatapal din sa ilang kondisyon sa balat.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Siling Labuyo?

Image Source: clipartmag.com

1. Sore throat. Upang malunasan ang kondisyon ng sore throat, maaaring ipangmumog ang tubig na hinaluan ng dinikdik na bunga ng siling labuyo.

2. Rayuma. Ang bunga ng sili ay maaaring dikdikin at ihalo sa langis at ipampahid sa bahagi ng katawan na dumaanas ng pananakit dahil sa rayuma at arthritis. Mas mainam kung ang pampahid na gamot ay hahaluan pa ng dinikdik na dahon ng sili.

3. Kabag. Makatutulong sa kondisyon ng kabag ang pag-inom sa mainit na tubig na pinagbabaran ng hiniwang bunga ng sili. Maaari din namang ihalo ang sili sa anumang pagkain upang matulungan ang kondisyon.

4. Pananakit ng ngipin. Maaaring ilagay ang katas ng sili sa butas ng ngipin na nananakit.

5. Sugat. Matutulungan din ng paglalagay ng dinikdik na dahon ng sili ang mas mabilis na paghilom ng sugat.

6. Buni. Maaaring ipang hugas sa balat na apektado ng buni ang pinagbabaran ng siling labuyo.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.