Sineguelas

Kaalaman tungkol sa Sineguelas bilang halamang gamot

Scientific name: Spondias purpurea Linn.; Spondias cirouella Tussac; Spondias dulcis Blanco; Spondias lutea Merr.

Common name: Sineguelas (Tagalog); Hog plum, Scarlet plum (Ingles)

sineguelasKilala ang halamang sineguelas dahil sa bilugan na bunga nito na paborito ng marami dahil sa matamis nitong laman. Ito ay nagmumula sa isang mataas na puno na karaniwang tumutubo sa mga bansang nasa rehiyong tropiko gaya ng Pilipinas. Ang bunga ay bilog, may mamula-mula o kulay lila na balat at may isang malaki at matigas na buto sa gitna.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Sineguelas?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang sineguelas ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang bunga ng sineguelas ay may taglay na phosphorus, calcium, iron, proteins, fats, at carbohydrates.
  • May taglay din itong hydroxyproline, aspartic acid, glutamic acid, serine, proline, threonine, and alanin

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Bunga. Ang bunga ay maaaring kainin lamang, o kaya ay ilaga at inumin.
  • Balat ng kahoy. Maaaring ilaga ang balat ng kahoy ng puno ng sineguelas at ipainom sa may sakit upang makagamot.
  • Dahon. Ang dahon ay maaring ipantapal sa katawan kung saan may hindi mabuting pakiramdam.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Sineguelas?

1. Pagtatae. Mabisa para sa kondisyon ng pagtatae ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng sineguelas. Maaari din kainin ang matamis na bunga nito para maibsan ang kondisyon.

2. Sugat. Makatutulong sa mabilis na paghilom ng sugat ang paghuhugas dito gamit ang pinaglagaan ng bunga ng sineguelas.

3. Pananakit ng didbib (angina). Maaari namang inumin ang katas ng sariwang bunga ng sineguelas upang maibsan ang nararamdamang pananakit sa dibdib.

4. Pananakit ng ulo. Maaari ding matulungan ang pananakit ng ulo sa pamamagitan ng pagtatapal ng dahon ng sineguelas sa noo at sentido.

5. Lagnat. Nakakapagpababa ng lagnat ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng sineguelas kasama ang dahon nito.

6. Sipon. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng sineguelas ay maaaring makatulong na maibsan ang sintomas na nararanasan dahil sa pagkakaroon ng sipon.

 

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.