Kaalaman tungkol sa Soya bilang halamang gamot
Scientific name: Glycine max (L.) Merr.; Glycine hispida Maxim.; Glycine soja Sieb. and Zucc.;
Common name: Soya, Balatong (Tagalog); Soybean (Ingles)
Ang soya ay isang maliit na halaman na karaniwang pananim sa maraming mga taniman sa buong mundo dahil sa mga produktong maaaring makuha mula sa pagpoproseso sa buto nito tulad ng toyo, tokwa at taho. Ang maliit na halaman ay nababalot ng maliliit na buhok; ang dahon ay may pangkaraniwang hugis; habang ang bulaklak ay tumutubong nakakumpol ngunit kaunti lamang.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Soya?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang soya ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang mga buto ay may taglay na langis, protein, carbohydrates, diastase, urease, lipase, allantoinase, peroxidase, pentosan, sojasterol, sitosterin, at phasin.
- Mayaman din ito sa Vitamin A, B at C, at napagkukunan din ng isoflavones
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ay karaniwang pinangtatapal sa ilang kondisyon sa katawan.
- Buto. Ang mga buto ay maaari namang kainin lamang, o kuhanan ng langis at ipampahid upang makagamot.
- Bulaklak. Ang katas ng bulaklak ay maaaring gamitin din sa panggagamit.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Soya?
1. Kagat ng ahas. Maaaring ipantapal sa kagat ng ahas ang pinitpit na dahon ng soya.
2. Panlalabo ng paningin. Maaaring makatulong sa kondisyon ng panlalabo ng paningin ang pagpatak ng katas ng bulaklak ng soya sa mga mata.
3. Bulutong. Ang mga sugat ng bulutong ay mas mabilis na maghihilom sa tulong ng paglalagay ng dinikdik o nginuyang mga buto ng soya.
4. Paglalagas ng buhok. Ang pagkain sa mga buto ng soya ay makatutulong para maiwasan ang patuloy na paglalagas ng buhok.
5. Mga sakit sa balat. Makatutulong para sa mga karaniwang sakit sa balat gaya ng panunuyo, pagpapantal, pamumula at iba pang mga kondisyon ang paglalagay ng langis na nagmula sa buto ng soya.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.