Strawberry

Kaalaman tungkol sa Strawberry bilang halamang gamot

Scientific name: Fragaria vesca Linn.; Fragaria chinensis Losinsk.; Fragaria concolor Kitag.; Fragaria vulgaris Ehrh..

Common name: Strawberry

Ang halaman ng stawberry ay maliit lamang at karaniwang tumutubo lamang sa matataas na lugar gaya ng Benguet. Ang mapula at matamis nitong bunga ay kilalang-kilala sa buong mundo. Ang mga dahon ay maliliit at patalim ang paligid, habang ang bulaklak ay maliit din lamang at kulay puti.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Strawberry?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang strawberry ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • May taglay na ellagic acid, flavonoids, carotenoids at terpenoids ang halaman ng strawberry
  • Ang dahon at bunga ay makukuhanan ng flavonoid, tannin, borneol at ellagic acid. May taglay din itong cissotanic, malic at citric acids, sugar, pectin, vitamin C, potassium, manganese, fiber, ellagitannins, ellagic acid, pelargonidin, cyanidin, anthocyanins, omega-3 FA, riboflavin, folate, magnesium, copper.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Ang buong bahagi ng halaman ng strawberry ay maaaring gamitin sa panggagamot.

  • Dahon. Ang mga dahon ay karaniwang nilalaga at iniinom na parang tsaa.
  • Ugat. Ang ugat ay maaari ding pakuluan upang mainom at makagamot.
  • Bunga. Maaari namang kainin lang ang bunga ng strawberry o kaya’y katasan at inumin.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Strawberry?

1. Kawalan ng gana sa pagkain. Mahusay na pampagana sa pagkain ang pag-inom sa tsaa na mula sa dahon ng strawberry.

2. Pagtatae. Maaaring maibsan din ang pakiramdam ng taong dumadanas ng pagtatae sa tulong ng pag-inom din ng tsaa na mula sa dahon o kaya ugat ng strawberry.

3. Rayuma. Ang regular na pag-inom din sa tsaa ng dahon ng strawberry ay makatutulong na maiwasan ang madalas na pananakit ng ilang bahagi ng katawan dahil sa rayuma. May kaparehong epekto naman ang pagkain ng bunga ng strawberry at pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng strawberry.

4. Bulate sa tiyan. Ang bunga naman ng strawberry ay makatutulong na makabawas sa pagkakaroon ng bulate sa tiyan.

5. Bato sa pantog. Ang pagkakaroon ng pagbabara sa pantog mula sa mga namuong bato ay maaaring maiwasan din ng pag-inom sa katas ng sariwang strawberry bago mag-almusal sa umaga.

6. Sugat. Maaaring makatulong sa mabilis na paghilom ng sugat ang pagtatapal ng dinikdik na dahon ng strawberry sa apektadong bahagi ng katawan.

7. Diabetes. Pinaniniwalaan din na matutulungan ang sakit na diabetes kung madalas na kakain ng bunga ng strawberry.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.