Suha

Kaalaman tungkol sa Suha bilang halamang gamot

Scientific name: Citrus decumana Linn.; Citrus aurantium decumanaCitrus aurantium grande; Citrus grandis  (L.) Osbeck

Common name: Suha, Lukban (Tagalog); Pomelo (Ingles)

Ang suha ay isang puno na may katamtamang taas lamang. Ang mga sanga ay nababalot ng mga tinik, may bulaklak na maputi at mahalimuyak, at may malaking bunga na bilugan ang hugis. Ang bunga na maaaring kainin ay paborito ng marami. Karaniwang nakikita sa mabababang lugar sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa na nasa rehiyong tropiko.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Suha?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang suha ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang dahon ay may taglay na volatile oil, dipentene, linalool, citral, a-pinene, at d-limone.
  • Ang katas ng bunga ay mayroon namang lycopene, vitamin C, peroxidase, sugar, fat, cellulose, at nitrogenous substances. Mayaman din sa Vitamin B, iron at calcium ang bunga nito.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Balat ng bunga. Maaaring katasan o ilaga ang balat ng bunga ng suha upang magamit sa panggagamot. Maaari din itong patuyuin muna bago ilaga.
  • Dahon. Ang dahon ay maaaring ihalo sa mainit na tubig upang magamit na panghugas sa ilang kondisyon sa katawan. Maaari din itong ilaga upang mainom.
  • Bulaklak. Ang mabangong bulaklak ng suha ay maaari ding ilaga upang mainom.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Suha?

1. Pagkahilo. Maaaring ipaamoy sa taong nakararanas ng pagkahilo ang piniris na balat ng bunga ng suha upang mas bumuti ang pakiramdam.

2. Ubo. Maaaring ipainom sa taong inuubo ang pinaglagaan ng dahon, bulaklak at balat ng bunga ng suha.

3. Dyspepsia. Makatutulong naman sa kondisyon ng dyspepsia o impatso ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng bunga ng suha.

4. Free radical. Isang mahusay na antioxidant ang bunga ng suha. Maaari itong kainin upang maiwasan ang pagkasira ng mga cells dahil sa presenysa ng free radicals.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.