Kaalaman tungkol sa Tabako bilang halamang gamot
Scientific name: Nicotiana tabacum Linn.
Common name: Tabako (Tagalog); Tobacco (Ingles)
Image Source: kalusugan.ph
Ang halamang tabako ay maliit lamang, may malalaki itong dahon at may bulaklak na mamula-mula o kulay rosas. Ito ay kilalang halaman dahil ito ang ginagamit sa paggawa ng hinihithit na sigarilyo. Bagaman ang paggamit sa halamang ito bilang sigarilyo ay maaaring makasama sa kalusugan, ang paggamit sa halamang ito sa ibang paraan ay maaaring makatulong bilang gamot.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Tabako?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang tabako ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang dahon ng tabako ay may taglay na alkaloid na nicotine, nicoteine, nicotelline, at nicotinine. May taglay din itong anabasine, betaine iamylamine, pyrrolidine, at n-methyl pyrroline, resin, albumen, at gum.
- Ang dahon din ay mayroong mga mineral na sulphates, nitrates, chlorides, phosphates, malates, at citrates of potassium, ammonium, at calcium.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ng tabako ang pangunahing ginagamit sa panggagamit sa ilang mga karamdaman at kondisyon. Maaari itong ipantapal o patuyuin at ilaga upang mainom.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Tabako?
1. Rayuma. Ang pagtatapal ng dahon sa bahagi ng katawan na nananakit dahil sa rayuma ay pinaniniwalaang nakababawas sa pananakit.
2. Sugat. Ang sugat naman na hirap maghilom ay maaaring lagyan ng abo mula sa sinunog na dahon na hinalo pa sa langis.
3. Pananakit ng sikmura. Maaari ding ipantapal sa nanakit na sikmura ang dahon ng tabako.
4. Pananakit ng kalamnan. Ang katas ng dahon ay mabisang pambawas sa pananakit na nararanasan sa mga kalamnan. Dapat lamang itong ipahid sa bahagi ng katawan na nananakit. May kaparehong epekto din ang pagtatapal ng dahon sa bahagi ng katawan na dumadanas ng pananakit.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.