Kaalaman tungkol sa Takip Kohol bilang halamang gamot
Scientific name: Centella asiatica (L.) Urb.; Hydrocotyle pallida DC.; Hydrocotyle thunbergianaSpreng.
Common name: Takip-kohol, Tapingang-daga (Tagalog); Indian Hydrocotyle, Pennyworth (Ingles)
Ang takip kohol ay isang maliit lamang na halaman na matagal nang ginagamit bilang gamot sa bansang India at China. Ang halaman ay maliit, may maninipis at malambot na tangkay, at bahagyang napalilibutan ng maliliit na balahibo. Ang dahon ay bilugan na malapit sa hugis puso. Mayroon ding bulaklak na maliit lamang din at kulay lila. Sa Pilipinas, ang halamang ito ay basta-basta lang tumutubo sa tabi-tabi, malapit sa mga palayan, at sa mga bakanteng lote.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Takip Kohol?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang takip kohol ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan.
- Taglay ng dahon at ugat ang kemikal na vellarine na siyang nagbibigay ng amoy at lasa dito.
- Ang ugat at dahon ay mayaman sa vitamin B, at ilan pang mga kemikal tulad ng carbohydrates, resins, proteins, ash, alkali, alkaline salts, phosphates, and tannins.
- Ang halaman ay makukuhanan din ng calcium, protein, carbohydrate, at fat. Mayroon pa itong crude fiber, ash, phosphorus, iron at sodium, gayundin ang Vitamin A, C, B1, B2, niacin, at carotene
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Ang buong halaman ng takip kohol ay maaaring gamitin sa panggagamot.
- Dahon. Ang dahon ay maaaring katasan at kuhanan ng dagta upang ipampahid o kaya naman ay dikdikin upang maipantapal sa ilang kondisyon sa katawan. Maaari din itong ilaga upang mainom na parang tsaa. Minsan ay tinutusta din ang dahon at hinahalo sa inumin.
- Buto. Ang mga maliliit na buto ay hinahalo naman sa inumin upang makagamot.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Takip Kohol?
1. Tulo. Ang regular na pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng takip-kohol ay mabisa para malunasan ang kondisyon ng tulo o gonorrhea.
2. Eczema. Maaari namang ipampahid ang dinikdik na dahon ng takip kohol sa bahagi ng balat na apektado ng eczema.
3. Pagtatae. Dapat inumin ang tubig na hialuan ng dinikdik na buto ng takip kohol upang maibsan ang pagtatae.
4. Lagnat. Ang dahon na tinusta ay hinahalo sa tubig at pinapainom sa taong may mataas na lagnat. Makatutulong ito upang bamaba ang temperatura.
5. Rayuma. Ang pag-inom pa rin sa pinaglagaan ng dahon ng takip-kohol ay mabisa para maibsan din ang pananakit ng mga kasukasuan dahil sa rayuma.
6. Sugat. Mapapabilis ang paghilom ng sugat kung ito ay papahiran ng dagta mula sa dahon at tangkay ng halaman.
7. Pagiging malilimutin. Ang regular na pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng takip-kohol ay pinaniniwalaan ding makatutulong sa pagpapatals ng memorya.
8. Paso. Nilalagyan din ng dinikdik na dahon ng takip kohol ang bahagi ng katawan na napaso upang maibsan ang hapdi at mabilis itong maghilom.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.