Tsa

Kaalaman tungkol sa Tsa bilang halamang gamot

Scientific name: Thea sinensis Linn.; Thea viridis L.

Common name: Tsa, Tsaa (Tagalog); Tea (Ingles)


Image Source: kalusugan.ph

Ang tsa ay isang halaman na may katamtamang taas na tinatanim nang maramihan para makagawa ng iniinom na tsaa. Ang dahon na may tusok-tusok na gilid ang siyang pinatutuyo at pinoproseso para gamitin bilang inuming tsaa. Ang bulaklak ay maputi, habang ang bunga ay maliit lamang at hugis bilog. Orihinal itong nagmula sa mga bansang India, Tsina, at Cambodia, ngunit ngayon ay kalat nang tinatanim sa maraming bansang nasa rehiyong tropiko kabilang na ang Pilipinas.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Tsa?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang tsa ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Taglay ng dahon ng tsaa ang kemikal na caffeine, glycosides, theobromine, theophylline, xanthine, adenine, methylxanthine. Mayroon pa itong tannin, polyphenols, gallic acid, at catechin.
  • Makukuhanan din ng ilang mahahalagang bitamina gaya ng Vitamin A, B2, C, D, at nicotinic acid. Mayroon din itong mineral na manganese, pati mga carbohydrate na dextrin, at pectin

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang mga dahon ng halamang tsa ang pangunahing bahagi ng halaman na ginagamit sa panggagamot. Kadalasan, ito ay pinapatuyo at ihinahalo sa mainit na tubig upang mainom.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Tsa?

Image Source: sites.google.com

  1. Free radicals. Taglay ng tsaa ang malalakas na uri ng antioxidant na kayang labanan ang free radicals sa katawan na siyang nagsasanhi ng mabilis na pagtanda ng mga cells sa katawan.
  2. Diabetes. Pinaniniwalaang nakatutulong para sa kondisyon ng taong may diabetes ang regular na pag-inom ng tsaa.
  3. Kulugo sa ari. Ang mga tumubong kulugo sa ari o genital warts ay maaari ding matulungan ng pagtatapal ng tsaa sa apektadong lugar.
  4. 4aramdaman sa puso. Maraming pag-aaral na ang sinagawa at nakapagpatunay na may benepisyo para sa kalusugan ng puso ang regular na pag-inom ng tsaa.
  5. Mataas na kolesterol sa katawan. Matutulungan din ng regular na pag-inom ng tsaa na pababain ang epekto ng nakakasamang kolesterol sa katawan ng tao.
  6. Lactose Intolerance. Ang kondisyon ng lactose intolerance o pagtatae mula sa pag-inom ng gatas na nararanasan ng ilang mga indibidwal ay maaaring matulungan din ng pag-inom ng tsaa.
  7. Trangkaso. Matutulungan ng pag-inom ng tsaa na pahupain ang mga sintomas na nararanasan dahil sa pagkakaroon ng sakit na trangkaso.
  8. Pananakit ng ulo. Matagal na ring ginagamit para sa pananakit ng ulo ang pag-inom ng mainit na tsaa.

 

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.