Tuba

Kaalaman tungkol sa Tuba bilang halamang gamot

Scientific name: Croton tiglium Linn.; Croton camaza Perr.; Croton glandulosum Blanco; Croton muricatum Blanco

Common name: Tuba (Tagalog); Croton oil plant, Purgative croton (Ingles)

Ang tuba ay isang maliit lamang na puno na kilalang ginagamit bilang halamang gamot. Ang dahon ay malapad, pahaba sa dulo at bahagyang patalim paligid. Ang mga bulaklak ay maliliit lamang din, habang ang bunga ay mala-kapsula na may mga buto sa loob. Karaniwang makikita ang halamang ito sa mababang lugar na malapit sa mga tirahan at bayanan sa Pilipinas.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Tuba?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang tuba ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang ugat ng tuba ay may taglay na tannin.
  • Ang buto naman ay mayroong langis (croton oil), na may taglay na croton globulin at croton albumin, arginine, at lysine. Mayroon pa itong lipase, invertase, amylase, raffinase at proteolytic enzyme. Maaari ding makuhanan ng crotone resin, tiglic acid, croton oleic acid, stearic, palmitic, myristic, lauric, oenanthrallic, capronic valerianic, butyric, isobutyric, acetic at formic acids. Mayroon din itong tannin.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ugat. Karaniwang nilalaga ang ugat upang mainom at makagamot sa ilagn sakit.
  • Buto. Ang buto ay karaniwang kinukuhanan ng langis na maaaring gamitin na pampahid sa balat.
  • Dahon. Ang dahon ay karaniwang pinatutuyo bago ilaga, ngunit maaari ding ilaga nang sariwa. Ang pinaglagaan ay maaaring inumin upang makagamot sa ilang kondisyon.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Tuba?

  1. Rayuma. Karaniwang nilalaga ang pinatuyong dahon at ugat ng tuba upang maibsan ang pananakit ng kasukasuan dahil sa rayuma.
  2. Kagat ng ahas. Maaari ding ipampahid ang dinikdik na dahon ng tuba sa kagat ng ahas upang maiwasan ang pamamaga at iba pang komplikasyon sa sugat.
  3. Pilay. Makatutulong naman ang pagtatapal ng dahon na pinahiran ng langis at pinadaanan sa apoy sa pilay at iba pang pananakit sa buto.
  4. Bulate sa sikmura. Mahusay rin na pampurga sa mga bulete sa sikmura ang pinaglagaan ng ugat, dahon at balat ng kahoy ng tuba. Maaari ding gamitin ang langis na makukuha sa buto ng tuba.
  5. Pigsa. Ang pinitpit na ugat tuba ay mabisang pang alis sa pigsa sa balat. Ito’y ipinangtatapal lamang sa apektadong bahagi ng balat.
  6. Eczema. Ang buto rin ng tuba ay maaaring durugin at ihalo sa tubig bago ipampahid sa balat na apektado ng eczema.

 

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.