Upo

Kaalaman tungkol sa Upo bilang halamang gamot

Scientific name: Lagenaria siceraria (Mol.) Standley; Lagenaria leucantha (Duch.) Rusby; Lagenaria vulgaris Seringe

Common name: Upo (Tagalog); Bottle Gourd, Calabash Gourd (Ingles)

Ang upo ay isang kilalang gulay na karaniwang kinakain ng mga Pilipino. Ang mahaba at berdeng bunga ay nagmumula sa isang gumagapang na halaman na nababalot ng maliliit at maninipis na mga buhok. Ang bulaklak ay maputi habang ang dahon ay bilugan at malapad. Karaniwan itong pananim sa mga bukirin sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, ngunit madali din namang makita sa ibang bansa.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Upo?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang upo ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang halaman ng upo ay makukuhanan ng triterpenoids, flavonoids at steroids
  • Ang bunga ay mayaman sa mga mineral na iron, calcium, at phosphorus, pati na vitamin B, habang ang buto ay may limpid oil. SInasabing mayroon ding flavonoids, saponins, sterols, tannins, at carbohydrates ang bunga.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang dahon ay karaniwang kinakatasan at pinapainom sa ilang mga kondisyon. Maaari din itong dikdikin upang ipampahid.
  • Bunga. Ang laman ng bunga ay maaaring kainin, durugin at ipantapal sa katawan, o kaya naman ay ilaga at ipainom sa may sakit. Ang katas ng bung ay maaari din gamitin sa panggagamot.
  • Buto. Karaniwan namang kinukuhanan ng langis ang buto o kaya’y dinikdikdik upang ipampahid sa ilang kondisyon sa katawan..

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Upo?

  1. Hika. Ang pagkain sa bunga ng upo ay sinasabing nakakatulong para makaiwas sa sintomas ng hika.
  2. Hirap sa pagsuka. Makatutulong naman ang pag-inom sa katas ng dahon upang mapabilis ang pag-suka ng tao.
  3. Pagkapanot. Dapat namang ipahid sa bahagi ng ulo na napapanot ang dinikdik na dahon ng upo.
  4. Pananakit ng ulo. Maaari ding ipantapal sa ulo ang dinikdik na dahon ng upo upang maibsan ang pananakit na nararamdaman.
  5. Bulate sa sikmura. Mabisang pampurga sa mga bulate sa sikmura ang paglunok sa dinikdik na mga buto ng upo.
  6. Hyperacidity. Pinapainom naman ang katas ng bunga ng upo sa taong dumaranas ng pangangasim ng sikmura.
  7. Pigsa. Ang pagpapahid ng dinikdik na buto ng upo ay mabisa rin sa mabilis na paghilom ng pigsa sa balat. Dapat lamang ipahid sa apektadong bahagi ng balat.
  8. Lagnat. Ang dinikdik na bunga ng upo ay makatutulong naman na pababain ang mataas ng lagnat. Ito ay pinapahid lamang din sa bunbunan ng may sakit.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.