Uraro

Kaalaman tungkol sa Uraro bilang halamang gamot

Scientific name: Maranta arundinacea Linn.; Maranta indica Tussac.; Maranta protracta Miq.; Maranta ramosissima Wall.

Common name: Araro, Uraro (Tagalog); Arrow root, Maranta (Ingles)

Ang uraro ay isang kilalang bungang ugat na karaniwang ginagawang biskwet at tinapay sa maraming lugar. Ang halaman ay may malambot lamang na sanga, malalapad na dahon at maputing bulaklak. Ang bungang ugat na kahalintulad ng gabi o kamoteng kahoy ang siyang inaani upang magamit sa lutuin. Orhinal na nagmula sa sa Amerika.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Uraro?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang uraro ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang inaaning bungang ugat ay mayaman sa starch, albumin, sugar, gum, at fiber.
  • Ang buong halaman ay maaaring makuhanan ng mga kemikal na flavonoids, alkaloids, tannins, glycosides, steroids, phenols, cardiac glycosides, saponins, carbohydrates, at proteins

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Bungang ugat. Ang bungang ugat na karaniwang inaani ay maaaring gamitin sa panggagamot. Karaniwan itong dinudurog o kaya ay nilalaga upang maipampahid sa ilang kondisyon sa katawan. Maaari din naman itong kainin lamang. Ang pinaglagaan ng bungang ugat ay maaari ding inumin dahil sa taglay nitong starch.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Uraro?

  1. Sugat. Maaaring lagyan ng hiniwang uraro ang sugat upang maiwasan ang impeksyon at mapabilis ang pag-hilom.
  2. Kagat at tusok ng insekto. Ang masakit na kagat ng insekto tulad ng bubuyog at o alakdan ay maaaring lagyan ng dinurog na bungang ugat.
  3. Sunburn. Ang starch na makukuha sa katas ng bungang ugat ay maaaring ilagay sa balat na apektado ng sunburn. Ginagamit ito na parang karaniwang pulbos.
  4. Bungang araw. Mabisa din sa kondisyon ng bungang araw ang paglalagay ng pulbos na starch ng bungang ugat ng uraro. Makatutulong ito upang mabawasan ang paghapdi ng balat.
  5. Pagtatae. Maaaring inumin ang pinaglagaan ng bungang ugat upang matulungan ang kondisyon ng pagtatae.
  6. Dermatitis. Mabisa rin para sa kondisyon ng dermatitis ang paglalagay ng starch ng bungang ugat sa apektadong balat.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.