Verbena

Kaalaman tungkol sa Verbena bilang halamang gamot

Scientific name: Verbena officinalis L.; Verbena halei Small; Verbena officinalis var. halei (Small)

Common name: Verbena, Vervain

Ang verbena ay isang maliit lamang na halaman na karaniwang tumutubo sa mga bakanteng lote at mga gilid-gilid ng daanan. Ang buong halaman ay nababalot ng maliliit na buhok, may maliliit na dahon, at bulaklak na kulay lila o asul. Madalas itong nakikita sa mga probinsya ng Cagayan, Nueva Vizcaya, at Isabela.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Verbena?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang verbena ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Taglay ng buong halaman ang mga substansyang na verbenalin, transferase, amygdalase, at tannin.
  • Mayroon din itong apigenin, 4′-hydroxywogonin, at hastatoside

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Ang buong halaman ng verbena ay maaaring magamit sa panggagamot.

  • Ang buong halaman ay maaaring ilaga at inumin upang makagamot sa ilang mga kondisyon sa katawan.
  • Ang mga dahon ay karaniwang pinapatuyo bago magamit sa paglalaga o paggawa ng inuming tsaa. Maaari ding dikdikin ang sariwang dahon upang magamit na pantapal sa ilang kondisyon sa katawan.
  • Ang ugat ay karaniwan ding nilalaga upang magamit sa panggagamot.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Verbena?

  1. Lagnat. Maaaring inumin ang pinaglagaan ng halaman ng verbena upang mapababa ang mataas na lagnat.
  2. Trangkaso. Ang mga sintomas ng trangkaso gaya ng pag-uubo, lagnat, at pananakit ng katawan ay maaaring matulungan ng pag-inom sa pinaglagaan ng halaman ng verbena.
  3. Eczema. Maaaring ipanghugas sa balat na apektado ng eczema ang pinaglagaan ng halaman ng verbena upang matulungan na humupa ang pamamaga ng balat.
  4. Rayuma. Ginagamit ding pampahid sa mga nananakit na bahagi ng katawan ang dinikdik na sariwang dahon ng verbena.
  5. Pilay. Ang dinikdik na mga bahagi ng halaman ay mabisa din na pantapal sa bahagi ng katawan na naipitan ng ugat.
  6. Pagtatae. Ang pinaglagaan naman ng ugat ng verbena ay maaaring inumin upang bumuti ang pakiramdam ng taong dumadanas ng pagtatae.
  7. Pananakit ng ulo. Mabisa din na panng-alis sa pananakit na nararanasan sa ulo ang pagtatapal ng dinikdik na bahagi ng halaman sa sentido at noo.
  8. Iregular na pagreregla. Nakatutulong din na maisaayos ang iregular na buwanang dalaw sa mga babae ang pag-inom sa pinaglagaan ng bahagi ng verbena.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.