Halamang Gamot Para sa Ubo: Lagundi

Ang Lagundi (Vitex negundo) ay isang pangkaraniwang halaman na tumutubo sa Pilipinas at iba’t ibang bahagi ng Asya. Simula pa noong unang panahon ay ito’y ginagamit na bilang isang halamang gamot, mula sa Ayurvedic Medicine ng India, Chinese Medicine, at iba pang mga katutubong kaalaman sa mga ibayong bansa.

Ang halaman ng lagundi ay tumutubo hanggang 5 metro ang tangkad. Ang mga dahon nito ay patusok at may limang “daliri” gaya ng kamay.

Dahil ang lagundi ay matagal nang ginagamit bilang halamang gamot, marami naring pag-aaral at pagsasaliksik na ginawa dito, at bagamat hindi lahat ng gamit ng lagundi ay napatunayang mabisa, totoo ngang ito’y maaaring maging gamot para sa ilang mga karamdaman.

Mga Tradisyonal na Gamit ng Lagundi

Image Source: www.flickr.com

Napakaraming gamit ng lagundi ayon sa iba’t ibang mga tradisyon ng paggagamot sa iba’t ibang bansa, at ayon narin sa manggagamot na Pilipino. Ngunit pagtuunan natin ng pansin ang mga gamit ng lagundi na maaaring suportahan ng mga bagong pag-aaral.

  1. Nakapagbibigay-ginhawa sa ubo, sipon, at hika (asthma)
  2. Nakapagbibigay-ginhawa sa sore throat o pharngitis
  3. Nakapagbibigay-ginhawa sa rayuma at pananakit ng katawan
  4. Marami pang ibang sinasabing gamit ng lagundi gaya ng ginhawa sa mga sintomas ng bulutong o tigdas, gamot sa pagtatae, gamot sa mga pigsa at bulate sa tiyan, at iba pa.

Paano Gamitin ang Lagundi?

  1. Kumuha ng mga dahon ng lagundi, gayatin o tadtarin ito hanggang makabuo ng kalhating tasa (1/2 cup). Kung ang nais bigyang-ginhawa ay rayuma, magdagdag ng mga ugat ng lagundi.
  2. Pakuluan ito sa dalawang tasa ng tubig ng sampung minuto.
  3. Uminom ng kalhating tasa tatlong beses sa isang araw.

Babala at mga Paalaala

Ang mga halamang gamot ay itinuturing the home remedy o maaaring ibigay na gamot sa mga kondisyon na hindi kinakailangang ipakonsulta sa doktor. Kung nagpatuloy ay pag-ubo, mabutihing ipakonsulta parin sa doktor ang nararamdaman. Hindi dapat ihalili ang mga halamang gamot sa mga gamot na nireresta. Huwag kalimutang sabihin sa doktor sa umiinom ka ng anumang halamang gamot. Panghuli, gaya ng kahit anong gamot, maaaring magkaroon ng side effects ang pag-inom ng halamang gamot bagamat ito’y higit na mas madalang.