Sa papalapit na araw ng mga puso, mahalagang mapasaya natin ang ating mga minamahal. Maaaring bigyan sila ng bulaklak, padalhan ng love letter, o kaya’y maghapunan sa labas ng magkasama na may nakasindi pang kandila. Sa panahong ito, talaga namang lumalabas ang pagiging malikhain ng mga Pinoy para lang makita nila kung gaano nila kamahal ang mga mahal nila sa buhay.
Ngunit alam niyo ba na may ilang paraan na bukod sa mapapasaya natin ang ating mga minamahal, ay mapapangalagaan pa natin ang kanilang kalusugan? Ilan sa mga health tips na maaaring magsilbing gabay para sa isang malusog na pagdiriwang ng Valentines day.
Tips para sa Malusog at Masiglang Valentines Day
1. Mag-isip ng alternatibong regalo
Karaniwan nang binibigay ang mga mapupulang rosas, love letter, chocolate at stuffed toy para sa araw ng mga puso. Ngunit bakit hindi mo i-konsidera ang magbigay isang kakaiba naman ngayong Valentines Day. Halimbawa ay ang nauusong “fruiquet” o mga prutas na nakabalot na parang bouquet ng bulaklak. Ito ay isang malikhaing paraan ng pagpapakitang mahal mo ang iyong kabiyak. Napasaya mo na siya, nabigyan mo pa siya ng masusustansyang prutas. Hindi naman kailangang mamahalin ang regalo para mapasaya ang kapareha, ang kailangan lang ay pagiging malikhain at siyempre nanggaling sa puso
2. Magluto at kumain sa bahay
Madalas din ang pagkain ng mga magkakapareha sa mga restaurant sa araw ng mga puso, ngunit kung may oras naman, bakit hindi subukang gawin na lang ito sa bahay. Simulan sa pamamalengke ng magkasama, piliin ang mga lulutuin at tiyakin na ito ay masusustansya. Pagkatapos at magkasamang lutuin ito sa bahay at kainin ng magkasabay. Upang mas maging romantic, maagsindi pa ng kandila. Sa ganitong paraan, higit na makasisigurado ka na sariwa at masusustansyang pagkain ang maihahain at tiyak na mas makakatipid pa.
3. Pumasyal nang magkasama sa ibang lugar
Makatutulong din sa kalusugan ng magkapareha ang pamamasyal ng magkasama sa ibang lugar. Maaaring magtungo sa isang probinsya nang sa gayon ay makalanghap ng sariwang hangin; maaari ding magkasamang umakyat sa bundok o magpunta sa dagat para makalangoy. Ang pagkakaroon ng aktibong pamumuhay ay nangangahulugan ng malusog at mas malakas na pangangatawan.
4. Gawin nang magkasama ang ilang nakapapagpalusog na gawain
Bakit hindi mag-date sa isang wellness spa at magkasamang magpamasahe at magbawas ng stress. Bakit hindi subukan ang paglalaro ng sports nang magkasabay. Mahalaga na mabawasan ang stress mula sa pang-araw-araw sa gawain kaya’t makatutulong na malaki ang paglilibang na magkasama.
5. Ligtas ang pagtatalik
Sinasabing ang pakikipagtalik ay isa ring malusog na pamamaraan ng pagpapanatiling mainit ng pagmamahalan ng magkapareha. Tumutulong ito sa paglalabas ito ng ilang hormones sa katawan na mahalaga sa masmaayos na paggana ng katawan. Bukod pa yan sa mga gumagalaw na kalamnan ng katawan na katumbas din ng pang-eehersisyo sa gym. Ngunti siyempre, mahalaga na siguradong ligtas ang inyong pagtatalik. Gumamit ng condom hanggat maaari upang makaiwas sa posibleng pagkakahawa ng STD kung meron man.