Sa pag-pasok ng panahon ng tag-ulan sa Pilipinas, mahalaga na isaalang-alang ang ating kalusugan. Maraming sakit at aksidente ang nagbabadiya sa madulas na kalye, mga bahang kalsada, malakas na pag-buhos ng ulan, at sa mga dumaraming lamok sa mga imbak na tubig. Laging tatandaan na sa pagiging maagap nakasalalay ang kaligtasan, hindi lamang ng sarili, kundi ang buong pamilya. Narito ang mga epektibong health tips na hatid ng Kalusugan.Ph sa panahon ng tag-ulan.
1. Huwag nang lumabas ng bahay kapag malakas ang ulan kung hindi mahalaga ang pupuntahan.
Image Source: www.freepik.com
Hanggat maaari, ipagpaliban na lang ang mga lakad na kaya namang ipagpaliban. Ito’y upang maiwasan ang pagkaka-stranded sa lugar na pupuntahan at mga kalsada dahil sa matinding trapik at kawalan ng mga masasakyan sa lansangan. Nariyan din ang panganib ng aksidente sa kalsada dahil sa madulas ng daanan. Maiiwasan din ang ‘di kanais-nais na paglusong sa baha na maaaring may hatid pang sakit. Ang pananatili sa loob ng bahay ang pinakamainam at ligtas na desisyon sa panahong malakas ang ulan.
2. Magsuot ng damit na nararapat sa malamig na panahon at buhos ng ulan.
Image Source: unsplash.com
Kung hindi maiiwasang lumabas, tiyakin na tama ang damit na susuotin. Gumamit ng jacket o sweater na poprotekta laban sa malamig na panahon. Magsuot din ng kapote, o kaya ay gumamit ng payong upang hindi mabasa ng ulan. Kung baha, huwag kakaligtaan ang paggamit ng bota.
3. Huwag hayaan ang mga naipong tubig-ulan.
Image Source: www.ocvector.org
Pagkatapos bumuhos ng ulan, agad na silipin ang paligid kung may naipong tubig-ulan. Kung meron, agad itong itapon nang sa gayon ay maiwasang pamugaran ito ng mga lamok na posibleng may dalang dengue. Kung gagamitin ang naipong tubig-ulan, halimbawa sa pagdidilig ng halaman o kaya sa pag-lalaba, tiyaking may takip ang pinag-iimbakan ng tubig at agad itong gamitin.
4. Panatilihin ang kalinisan ng lugar.
Image Source: unsplash.com
Linis ang paligid sa lahat ng oras. Iwasang magtapon ng mga basurang maaaring magdulot ng pagbabara sa mga kanal na maaari namang magsanhi ng pagbabaha sa pagbuhos ng malakas na ulan. Maiiwasan din ang pagdami ng mga daga at ipis sa paligid na makapagdadala ng sakit.
5. Ihanda ang mga kagamitang pang-emergency.
Image Source: www.beprepared.com
Hindi rin maiiwasan ang biglaang pagkawala ng kuryente o kaya’y pag-apaw ng mga ilog sa panahon na sunod-sunod ang pagdating ng mga bagyo. Ang mga insidenteng ito ay maaaring magtulak sa paglikas ng ilang mga residente sa mga delikadong lugar papunta sa mga tinalagang evacuation centers. Bago pa man dumating ang ganitong mga kaganapan, siguraduhing nakahanda na gamit na pang-emergency gaya ng flash light, radyo, mga baterya, first aid kit, pagkain at inumin, kumot, at mga gamot.
6. Bantayan ang mga anunsyo ng PAG-ASA at lokal na pamahalaan.
Image Source: www.facebook.com
Laging tutukan ang mga balita at anunsyo ng pamahalaan tungkol sa progreso ng pag-ulan o pagbaha sa lugar. Lagi ding bantayan ang mga suspensyon ng pasok sa eskuwela at opisina upang hindi na sumugod pa sa kasagsagan ng pag-ulan.